^

Punto Mo

Pinoy interesado sa Mars

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

MARAMING Pilipino ba ang interesadong makarating sa Mars?

Maaaring mahiwatigan ang sagot na ito sa napabalitang mahigit isang milyong Pilipino ang nagpalista sa proyekto o gimik na  “Send Your Name to Mars’ ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) ng United States. Nangu-nguna ang Pilipinas sa mga bansang nagpadala ng pangalan para sa naturang misyon.

Sa naturang programa, ang mga pangalang isinumite sa NASA ay iuukit sa microchip na isasama ng isang robotic spacecraft sa biyahe nito patungo sa pulang planeta. Iniimbitahang sumali rito ang mga indibidwal sa buong mundo.

Napaulat na hanggang noong Hulyo 31, 2020, umaabot sa 1,219,358  pangalan mula sa Pilipinas ang natanggap ng NASA. Pumapangalawa ang US sa bilang na 143,518 at kasunod ang India na may 125,799 reservation. May kabuuang 2,223,364 ang bilang ng name reservation na hawak ng naturang ahensiya. Ang misyon ay isasagawa sa Hulyo 2026.

Masasabing malaki na rin ang bilang ng mga nagmula sa Pilipinas kahit mahigit sa 100 milyon na ang kabuang populasyon nito. Hindi nga lang malinaw kung yaong 1,219,358 na Pilipino ay gusto ring makarating at manirahan sa Mars. Maaaring ang iba rito ay mga Pilipinong nagtatrabaho o naninirahan sa ibang bansa pero ipinalalagay o isinaad lang na nagmula sila sa Pilipinas na hindi imposibleng mangyari.

Noong Hulyo 30, 2020, lumipad patungong Mars mula sa Cape Canaveral Air Force Station ang huling Mars mission na Perseverance Rover. Meron itong dalang 10.9 milyong pangalan ng mga tao mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Hindi nga lang malinaw kung meron din ditong nagmula sa Pilipinas pero inaasahang makakarating ang naturang robotic spacecraft sa Mars sa Pebrero 18, 2021.

Ilang taon na ang nakararaan, isang kumpanyang Mars One na nakabase sa The Netherlands ang naglunsad ng proyekto para makapagpadala ng mga tao sa naturang planeta at pagtatayo ng kolonya roon. May mga Pilipino ring nag-aplay dito. Pero naudlot ang proyekto dahil nabankarote ang nabanggit na kompanya.

Gayunman, mahihiwatigan dito na hindi nahuhuli ang mga Pilipino sa mga kaalaman hinggil sa mga misyon o proyektong may kaugnayan sa Mars bagaman wala pang sariling space program ang Pilipinas at hindi pa naitatayong ganap ang sariling space agency nito.

Hindi malaman kung ano ang pakinabang sa pagpapadala ng pangalan ng mga tao sa Mars. Maaaring pagpupukaw lang ito sa kamalayan at lalong pagpapalaki ng interes ng mga tao hinggil sa planeta. Puwede ring para mabasa ito ng mga nilalang  na nabubuhay sa Mars, kung meron man, para malaman nilang may iba pang nilikhang nabubuhay sa kalawakan.

Email: [email protected]

vuukle comment

MARS

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with