^

Punto Mo

Mas malaki ang maliit, mas marami ang kaunti

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

BAGO maminsala ang coronavirus, mayroon tayong “mall mentality.” Punuan lagi ang mga malls na paborito nating pasyalan, bilihan at sentro ng mahahalagang serbisyo na tulad ng pagpapaganda, medical check up, banking, at pagbabayad ng bills. Marami na ring sangay ng gobyerno na tulad ng LTO at NBI ang may opisina sa mga malls. Isa na lang siguro ang hindi malalagay sa mga malls, ang mga funeral parlors.

Ang malungkot, kapag may itinayong malaking mall sa isang lugar, siguradong patay ang maliliit na negosyo. Ang mga malls ay parang video game na Pac Man na kinakain ang lahat ng madaanan nito.

Nang magpatupad ang gobyerno ng community quarantine upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 infections, ipinagbawal ang pagbubukas ng mga malls. Bunga nito, nabuhay ang maliliit na talipapa, karinderia, at sari-sari stores sa mga barangay. Bigla tayong may nadiskubre—kahit pala walang mga malls basta may mga talipapa ay mabubuhay tayo.  Nang wala pa ang mga malls, talaga namang ang sentro ng ating pamilihan ay ang mga palengke at talipapa.

May dalawang magandang English idiomatic expression na naging mabuting gabay ng sining, panitikan at negosyo hanggang sa ating kapanahunan. Ang isa’y ganito ang sinasabi, “Less is more” na ang ibig sabihin ay mas maganda at epektibo ang kakaunti o ang tinatawag na “minimalist approach.” Sa mga modernong bahay ngayon, mas kakaunti ang mga gamit, mas maganda at elegante. 

Ang isa pang idiomatic expression ay ganito naman ang sinasabi, “Small is beautiful” na ang ibig sabihin ay mas maganda at mas matatag ang maliitan (small-scale) kaysa malakihan (large-scale). Totoo ito, maging sa church. Noon, tinitingala natin ang mga mega churches na may naglalakihang gusali. Nang ipagbawal ang mass gathering sa mga churches, napunta sa bahay-bahay ang mga pananambahan. Napag-unawa natin na hindi pala nasusukat ang katatagan at kapakinabangan ng isang church sa kalakhan nito, kundi sa mga programang tumutugon sa pangangailangan ng mga kaanib. 

Naging mulat din tayo sa kahalagahan ng maliliit na tao na tinatawag nating mga frontliners. Bukod sa mga doktor at nars, importante pala sa ating kaligtasan ang mga drivers ng mga delivery trucks, gayundin ang mga karaniwang manggagawa sa iba’t ibang industriya.   

Pinatunayan ng COVID-19 pandemic na mas malaki ang maliit, mas marami ang kaunti.  Kapag nagkaroon na ng vaccine laban sa coronavirus, muling magbubukas ang mga malls, pero ang isang maganda, naranasan at natutuhan na natin ang magbalik-talipapa, magbalik-palengke, at magbalik sa maliliit na bagay.

Maging ang Kaharian ng Diyos ay inihambing ni Hesus sa maliliit na bagay, kabaliktaran ng iniisip ng mga Hudyo na ito’y sinasagisag ng malalaking bagay na tulad ng punong Cedar na tumataas nang hanggang 130 talampakan.  Ganito ang wika ni Hesus sa Mateo 13:31-32, “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang bukid.  Ang buto ng mustasa ang pinakamaliit sa lahat ng binhi.  Ngunit pagtubo nito, ito’y nagiging mas malaki kaysa alin mang halaman at nagiging punongkahoy, kaya’t nakakapagpugad ang mga ibon sa mga sanga nito.”

vuukle comment

LTO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with