^

Punto Mo

Dapat ba tayong makipaggiyera sa China?

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

NANG mahalal si Presidente Rodrigo Duterte noong 2016, humanga ako sa tapang niya na banggain ang US. Noong 2017, ipinag-utos niya ang pagpapadala ng tropa sa West Philippine Sea upang patatagin ang pag-angkin natin dito na inaangkin din ng China. Sinabi niya na pupunta mismo siya sa Pag-asa sa Spratly Islands na nasa West Philippine Sea upang magtaas ng bandila ng Pilipinas. Kahanga-hanga, hindi natatakot banggain ang mga superpowers na tulad ng US at China!

Nitong ika-limang SONA ni Presidente Duterte, nanlumo ako nang ideklara niya ang mga sumusunod tungkol sa West Philippine Sea, “China is claiming it. We are claiming it. China has the arms, we do not have it…. So what can we do? We have to go to war and I cannot afford it…  Inutil ako diyan, sasabihin ko sa inyo…Wala akong magagawa.” Biglang bumagsak ang aking paghanga sa kanyang katapangan.

Kapag ba pinanindigan natin na ang West Philippine Sea ay atin, nakikipaggiyera na tayo sa China? Kapag ganito, talagang mananahimik na lamang tayo. Ang China ay ikatlo sa world’s military power. Ang army nito’y may dalawang milyong sundalo, ang pinakamalaking puwersang militar sa buong mundo. Ang ating AFP ay may 125,000 aktibong miyembro. Ang China ay higante, tayo’y unano. Pero bakit naman ang ating mga bayani ay hindi natakot na labanan ang mga higante — Spain, US at Japan? Tinotoo nila ang huling mga katagang inaawit natin, “Ang mamatay nang dahil sa iyo.”

Hindi naman tayo dapat makipaggiyera sa China.  Ang kailangan lamang ay pangalagaan ang natamo nating tagumpay sa legal na pamamaraan. Noong 2016, ipinasya ng UN Permanent Court of Arbitration na ang Pilipinas ay may “exclusive sovereign rights” sa West Philippine Sea at ang inaangkin ng China na “nine-dash line” ay walang basehang legal. Ayon sa China, mayroon itong “sovereign at historic rights” sa halos two-thirds ng 3.5 milyong square kilometers ng South China Sea sa pamamagitan ng “nine-dash line claim” nito. Inaangkin ng China maging ang “200 nautical-mile exclusive economic zone” na idiniklara ng United Nations Convention on the Law of the Sea. Apektado ng pag-angkin ng China ang Pilipinas, Vietnam, Malaysia, Brunei at Taiwan.  Sa mga ito, hinahangaan ko ang Vietnam sa matapang nitong paninindigan laban sa higanteng China.

Napatunayan din na nilalabag ng China ang exclusive economic zone ng Pilipinas dahil sa: Pakikialam sa fishing at petroleum exploration ng Pilipinas, pagtatayo ng mga artificial lands, at pangingisda sa exclusive zone ng Pilipinas. Ayon sa pagtaya ng mga ekonomista, noon pang 2007, ang West Philippine Sea ay may marine resources na katumbas ng US $1.5 trillion.

Ibig bang sabihin ng deklarasyon ng Presidente ay pababayaan na lamang natin ang China anuman ang gustong gawin nito sa West Philippine Sea dahil hindi natin ito kayang labanan? Kapag ganito ang naging pananaw natin, magsasawalang-kibo na lamang tayo sa harap ng pagsasamantala sa kapangyarihan, pagnanakaw sa gobyerno at paninikil sa ating kalayaan sapagkat makapangyarihan at hindi natin kaya ang mga gumagawa nito? Ganito bang uri ng lipunan ang nais nating ipamana sa ating mga anak?

Ganito ang inaasahan ng Diyos sa mga sumasampalataya sa Kanya, ayon sa Isaias 1:17, “Pag-aralan ninyong gumawa ng makatuwiran; pairalin ang katarungan; tulungan ang naaapi; ipagtanggol ninyo ang mga ulila, at tulungan ang mga biyuda.”

vuukle comment

CHINA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with