^

Punto Mo

Hindi puwede ang ‘Puwede Na’

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

INIHAYAG ng Philippine Statistics Authority na noong nakaraang Abril, 7.3 milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.  Siguradong sa ngayon ay nadagdagan na ang bilang na ito. Sabi ni DOLE Secretary Silvestre Bello III, posibleng umabot sa 10 milyon ang mawawalan ng trabaho bago matapos ang taong ito, kasama na sa bilang na ito ang tinatayang hanggang kalahating milyong OFWs.

May mga hindi nga nawalan ng trabaho, pero posibleng nabawasan nang malaki ang kinikita dahil sa pagbabawas ng oras sa pagtatrabaho. Napakarami ang alipin ngayon ng takot dahil sa pag-iisip na baka bukas ay sila naman ang susunod. Maaari itong humantong sa depression o damdamin ng matinding kalungkutan, kawalan ng pag-asa at interest sa buhay. Kaya ang laban sa COVID-19 ay hindi lamang pangkalusugan, kundi pangkaisipan at pang-espiritwal din.

Ayon sa Civil Service Commission, umaabot sa 1,728,641 ang empleyado ng gobyerno. Lubos na pinagpala ang mga ito, sapagkat matatag ang kanilang kalagayan. Hindi katulad ng nasa pribadong sektor, hindi sila nag-aalala kung may trabaho pa sila kinabukasan. Kahit walang pasok, susuweldo sila, hindi katulad ng iba na nasa ilalim ng sistemang “No Work, No Pay.”

Kaya nakakagalit, kapag may mga empleyado ng gobyerno na hindi seryoso sa pagtatrabaho at tatamad-tamad. At nakapagpapainit ng kalooban kapag may mga opisyales ng gobyerno na kailangan pang pukpukin para kumilos, laging reactive, sa halip na proactive.

Ilang nakaraang mga pangyayari ang nagpapakita sa atin ng inefficiency ng bureaucracy. Halimbawa, kinakailangan pang magalit at mag-utos ng Presidente upang mapauwi sa kanila-kanilang tahanan ang mga OFWs na stranded ng tatlong buwan at higit pa sa Metro Manila. Bakit kaya may ganitong kultura sa gobyerno na umaaksyon lamang kapag na-media o napagalitan ng nakatataas?

Ang COVID-19 pandemic ay dapat bumago sa work habit ng mga taong-gobyerno. Ang pagtatrabaho sa gobyerno’y isang napakalaking biyaya dahil mayroon itong security of tenure. Magsasara ang mga negosyo, ngunit hindi ang gobyerno. Puwede nang dito magretiro ang isang empleyado, sapagkat ang GSIS retirement benefits ay sobrang mas maganda kaysa SSS. Ang biyaya ng pagkakaempleyo sa gobyerno ay dapat namang gantihan ng dedikasyon sa paglilingkod. Dapat laging isaisip ng sinumang nasa gobyerno na ang suweldo niya’y mula sa tax ng mga tao, kung kaya ang bawat taxpayer ang tunay niyang amo.

Pero sa totoo lang, sinumang may trabaho, sa pribado man o gobyerno, ay dapat mahalin ang kanyang trabaho sa pamamagitan ng tapat at maayos na paglilingkod. Paano bang makapagtatrabaho nang may katapatan at kaayusan? Magandang gabay ang Colosas 3:23, “Anuman ang inyong ginagawa, ay inyong gawin nang buong puso, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa tao.”

Sa Bibliya, ang puso ay kumakatawan, hindi lamang sa emosyon, kundi sa isip at sa buong pagkatao. Ang ibig sabihin ng magtrabaho nang buong puso ay magtrabaho nang masaya at may pagmamahal, ibinibigay ang buong kaya, todong-todo at hindi medya-medya. Naglilingkod sa isang paraan na parang ang Diyos ang pinaglilingkuran. Kung ang ginagawa nating paglilingkod ay para sa kapurihan ng Diyos, siguradong gagawin natin ang pinakamaganda at ibibigay natin ang pinakamabuti. Itapon na natin ang kulturang “Puwede Na ang Puwede Na.” Sa halip, lahat tayo, lalo na ang mga taong-gobyerno, ay magpasailalim sa “Culture of Excellence.”

vuukle comment

PHILIPPINE STATISTICS AUTHORITY

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with