^

Punto Mo

Sa ABS-CBN ang hampas, sa kalayaan ang latay

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

MAY salawikaing Tagalog na ganito ang sinasabi, “Hampas sa kalabaw, sa kabayo ang latay.” Ibig sabihin nito’y indirektang pag-atake. Ang kalabaw ang hinampas, pero ang talagang puntiryang saktan ay ang kabayo. Maaaring iaplay ang kasabihang ito sa pagtatangka ng kasalukuyang administrasyon na itigil ang operasyon ng ABS-CBN sa pamamagitan ng hindi pag-rerenew ng Kongreso sa prankisa nito na nakatakdang mag-expire sa Marso 30.

Pero inunahan na ni Solicitor General Jose Calida ang Kongreso sa pamamagitan ng paghahain ng “quo warranto petition” sa Korte Suprema upang ipawalambisa ang prankisa ng ABS-CBN dahil sa diumano’y maramihang paglabag sa batas ng pinakamalaking broadcast network sa Pilipinas. Hindi naman lingid sa bansa ang maraming beses na deklarasyon ni Presidente Duterte na hahadlangan niya na muling mabigyan ng prankisa ang network. Ang hakbang ni Calida ay nagpapakita lamang na talagang desidido ang administrasyon na itapon ang ABS-CBN sa kangkungan ng kasaysayan.

Hindi ako tagapagtanggol ng ABS-CBN. Kailangan itong managot kung totoong maraming nilabag na batas. Pero ang ikinatatakot ko rito’y ang pagiging totoo ng salawikaing binanggit ko kanina. Ang hinampas ay ang ABS-CBN, pero ang tatanggap ng latay ay ang kalayaan sa pamamahayag, pananalita at impormasyon. Ang babawian ng prankisa ay ang ABS-CBN, pero ang totoong mawawalan ay ang mga mamamayang Pilipino na umaasa sa mga lehitimong network bilang pinagmumulan ng mga totoong impormasyon, sa harap ng mapaminsalang kamandag ng mga fake news. Sa isang lehitimong media practitioner na katulad ko, ang katotohanan ay isang bagay na hindi maaaring ikompromiso. Ito ngayon ang laging biktima ng social media — ang katotohanan, kaya’t nagkaroon ng brand na “fake news,” samantalang noong araw, kapag tinaguriang “news” at inilabas sa publiko, siguradong totoo at may batayan.

Mahigit daw sa 11,000 mga tao ang mawawalan ng trabaho kapag nagsara ang ABS-CBN. Mabigat at malungkot.  Pero ang lalong mabigat at malungkot ay ang pagkawala ng ating seguridad dahil sa latay na likha nito sa kalayaan ng pamamahayag, pananalita at impormasyon. Minsan ay sinabi ni Thomas Jefferson, “The only security of all is in a free press.”

Ang malayang pamamahayag ay saligan ng demokrasya. Ito ang nagbibigay sa atin ng seguridad na hindi tayo malilinlang ng kasinungalingan o maaalipin ng isang diktador. Ang nangyayari ngayon sa ABS-CBN ay may tinatawag na “chilling effect” sa kalayaan ng pamamahayag at pagsasalita. Lilikha ito ng pagkatakot sa mga taong bumabatikos sa hindi magandang ginagawa ng administrasyon.

Gayunman, ang kalayaan sa pamamahayag at pagsasalita ay may kaakibat na malaking responsibilidad. Anumang ipinapahayag natin sa publiko ay kailangang totoo at naglalayong magbuo, sa halip na magwasak. Ang katotohanan ang pundasyon ng malayang pamamahayag. Wika ni Hesus sa Juan 8:32, “At malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”

Ang mga kaganapang ating nasasaksihan ay hindi lamang may kinalaman sa personal na laban ng ABS-CBN. Ito’y may kinalaman sa laban para sa kalayaan ng pamamahayag, pagsasalita at impormasyon. Sa labang ito’y sangkot tayong lahat, sapagkat tayong lahat ay apektado ng anumang pagtatangkang sagkaan ang kalayaang ito. Wika nga ni Voltaire, “Hindi ko gusto ang sinasabi mo, ngunit ipaglalaban ko hanggang kamatayan ang kalayaan mo sa pagsasabi nito.”

vuukle comment

ABS-CBN

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with