Hindi pagbabayad ng kinain sa restaurant, isang uri ng estafa
Dear Attorney,
Ano po ba ang maari kong isampang kaso sa mga kumain at nag-inuman sa restaurant ko noong isang araw na pasimpleng umalis isa-isa upang takbuhan at hindi binayaran ang kanilang bill? -- Rex
Dear Rex,
Ang mga taong kumain sa isang restaurant ngunit hindi nagbayad ay maaring kasuhan ng criminal case dahil isa itong uri ng estafa.
Makikita ito sa ikalawang paragraph ng Article 315 ng Revised Penal Code kung saan pinarurusahan ang hindi pagbabayad ng kinain, inumin, o accomodation sa isang hotel, inn, o restaurant at ang hindi pagbabayad na ito ay may kasamang intensiyon na makapanloko.
Ang krimen ng estafa ay karaniwang may dalawang elemento: (1) panloloko na isinagawa sa pamamagitan ng pag-abuso sa tiwalang ibinigay o sa pamamagitan ng panlilinlang at (2) pinsalang idinulot sa ibang tao ng nasabing panloloko.
Sa sitwasyon mo, halatang sinadya ang hindi pagbabayad ng mga customer mo dahil nabanggit mong isa-isa silang pasimple na nag-alisan upang takbuhan ang kanilang bill. Hindi kapani-paniwala kung idadahilan nila na hindi nila sinasadya ang hindi nila pagbabayad dahil mula sa kanilang mga aksyon ay makikita ang kanilang panlilinlang at ang intensiyon nilang makapanloko. Dulot ng panloloko na ito ay naperwisyo ka dahil nawalan ng kita ang restaurant mo mula sa kanilang inorder. Mula sa iyong inilahad ay malinaw ang mga elemento ng krimen kaya maari kang magsampa sa piskalya ng kasong estafa sa laban sa mga customer mo na tinakbuhan ang kanilang bill.
Paalala lamang sa ating mga mambabasa na ang nakasaad na legal advice dito ay batay lamang sa inilahad ng sumulat at maaring hindi ito maging angkop sa ibang sitwasyon. Mas mainam pa rin na kayo ay personal na kumonsulta sa isang abogado para sa inyong mga problemang legal.
- Latest