Ang tinitingala at tinatapakan
SA isang museum sa France kapansin-pansin ang isang napakagandang istatwa na yari sa marmol. Nililok ito ng magaling iskultor ilang daan nang taon ang nakaraan. Bawat taong bumibisita sa museum ay hindi maiwasang tumingala nang matagal upang titigan at pagmasdan ang magandang pagkakalilok ng isang babae mula sa marmol. Ang sahig ng museum ay yari sa marmol. Minsan ay hindi na nakatiis ang sahig na marmol na magsalita tungkol sa kanyang kalagayan.
“Life is unfair. Pareho lang naman tayong marmol pero ikaw ang tinitingala habang ako ay inaapak-apakan lang ng mga tao dito sa museum. Nagmula lang tayo sa iisang bundok pero bakit naging kawawa ang kalagayan ko?” mangiyak-ngiyak na wika ng sahig na marmol
“Sister kasalanan mo rin ang lahat. Naalala mo noong sinimulan ka nang ililok ng iskultor pero tumanggi ka?”
“ Nasaktan kasi ako nang tinamaan ako ng tools niya!”
“Iyon nga, tumanggi ka, kaya inilagay ka sa isang tabi at hinayaang gawin na lang tiles. Ako ang kinuha niya bilang kapalit mo. Naging madali lang sa kanya ang pagmolde sa akin dahil hinayaan ko lang na tamaan ako ng kanyang tools. Nakisama ako sa kanya. Tiniis ko ang lahat ng sakit hanggang isang araw nakita ko na lang ang aking sarili na hindi na isa lang simpleng batong marmol kundi isang masterpiece ng iskultor na iyon. Nagkita na lang tayo nang dalhin ako dito sa museum. Saka ko lang nalaman na naging sahig ka pala ng museum. Tanggapin mo na lang ang iyong kapalaran Sister. No pain, no glory. Laging may kasamang pagsasakripisyo ang tagumpay.”
- Latest