^

Punto Mo

Kung may ‘YouTube’ na noon

DIKLAP - Ms. Anne - Pang-masa

… at may pagsusumbungang Raffy Tulfo na noon

ISUSUMBONG ko ang aking 6th grade teacher sa nanghihiya sa akin araw-araw. Kapag mali ang aking sagot sa recitation, pagsasabihan akong hindi ginagamit ang aking common sense at basta na lang sagot nang sagot. Kapag naman nanahimik ako at hindi na sumasagot, tatawagin pa rin ako at aakusahan na hindi ako nag-aral ng aking lesson kaya hindi makasagot.

High school na ako nang ipinagtapat ko sa aking mga magulang ang hirap ng kaloobang dinanas ko sa gurong nabanggit. Natuklasan kong ang kapatid na lalaki ng gurong iyon at aking ama ay minsang nagkasuntukan na umabot hanggang demandahan. Kaya pala. Nagtataka ako noon kung bakit ako lang ang laging pinapagalitan kapag mali ang sagot sa recitation samantalang hindi nagagalit sa mga kaklase ko.

Isusumbong ko ang aking 6th grade  Math teacher na ang binigyan lang ng libro ay ang mga honor students. Kulang kasi ang libro. Kung sino pa ang matatalino, siya pang binigyan ng libro. Kaya kapag discussion ng lesson, sila-sila lang ang nagpapalitan ng opinyon samantalang ang mga “bobo” sa Math, nganga! Hindi na nga matalino, pinagkaitan pa ng babasahing libro. Kulang din sa paraan ang gurong iyon. Sana ay pinaiikot niya sa lahat ng estudyante ang pipitong libro araw-araw para lahat ay nagkaroon ng tsansang masulyapan ang lesson na pinag-usapan kapag nagle-lecture ang guro.

Isusumbong ko ang aking 3rd grade teacher sa pagbinyag sa akin ng “agas”. Ganoon ang tawag niya sa akin dahil ako’y payat at maliit na bata. Inihalintulad ako sa size ng sanggol na inagas. Siya rin ang nagbuko na hindi ko raw ma-differentiate ang front at back ng notebook.

Siya ang nakapuna na ang sinimulan kong sulatan ay huling pahina ng notebook. First day of school noon. Malakas ang kanyang boses nang punahin niya ako:

“Aba, kailan pa nauso na sa huling pahina ng notebook nag-uumpisang magsulat? Grade 3 ka na, hindi mo pa alam kung saan pahina magsisimulang magsulat?”

Tinginan ang aking mga kaklase. Daig ko pa ang superstar. Siyempre bata, hindi ako makapangatwiran dahil napahiya na ako. Ang katotohanan niyan, alam ko kung paano gamitin ang notebook. Just to give you an idea kung ano ang notebook na pinag-uusapan natin: Hindi ito spiral notebook. Ito ay notebook kung saan may tahi na sinulid sa center, na kapag pinunit mo ang isang pahina, sunod-sunod nang malalagas ang iba pang pahina.

Hindi pa ako naibibili noon ng bagong notebook kaya iyong luma kong notebook noong 2nd grade ang aking ginamit. Ginupit ko ang mga pahinang nasulatan na at itinira ang hindi pa nasulatan. Kaso, pangit tingnan dahil nakausli ang pinaggupitan. Ayokong mabisto na luma ang notebook ko kaya sa hulihan ako nagsimulang magsulat. Sa lahat ng naging adviser ko mula 1st grade hanggang 6th grade, ang guro sa 3rd grade ang nagbigay sa akin ng pinakamababang GPA (grade point average). Doon nagkatotoo ang kasabihang first impression is lasting.

Kaya kung ang mga guro ay naging katulong ng mga magulang sa paghubog ng talino at pagkatao ng mga bata, malaki rin ang tsansa na katulong din ang iba sa kanila sa pagdurog ng self-esteem ng isang bata. Pero lagi ko rin inaalala nang may pagmamahal ang aking mga gurong naging maunawain sa akin at pumuri na mabait daw ako at matalino.

vuukle comment

YOUTUBE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with