Problema sa trapik masolusyunan pa kaya?
Sa pagbubukas ng 18th Congress isusulong ng mga kaal-yado ni Pangulong Digong ang panukalang batas na naglalayong mabigyan ito ng emergency power para tuluyang maresolba ang matinding problema sa trapiko partikular sa Metro Manila.
Matatandaan na isa ang paglutas sa trapik sa kalakhang Maynila ang ipinangako ni Pangulong Digong noong panahon ng kampanya.
Isa din ito sa inihingi niya ng paumanhin na baka raw hindi niya maisakatuparan.
Hindi kasi nakagalaw si Pangulong Duterte makaraang hindi maibigay ng kongreso ang dagdag na kapangyarihan para maresolba ang matinding trapik.
Kung titignan ang kasalukuyang kalagayan ng trapiko, mukhang imbes na maresolba eh lalu pang lumalala.
Hindi nga ba’t sa isinagawang pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA) na ang matinding pagsisikip ng mga trapiko sa Metro Manila ay nagiging sanhi sa pagkawala ng nasa P3.5 bilyong araw-araw.
Hindi lang yan, matinding kalbaryo at stress din ang araw-araw na kinakaharap ng mga motorista dahil dito.
Sa ilang mga insidente, ang pagkabagot ng ilang motorista sa matinding trapik ang kadalasang ugat din ng kadalasang matinding komprontasyon at sigalot sa lansangan.
Kasi nga umiinit na ang ulo ng motorista lalu na noong nakalipas na summer kung saan nakakadagdag pa ang matinding init ng panahon.
Marami nang panukala at eksperimento ang isinagawa ng mga kinauukulan para malunasan ang matinding trapik sa Kamaynilaan, pero hindi pa rin naramdaman na naging epektib ito partikular sa kahabaan ng EDSA.
Ngayong desidido ang mga kaalyado ng Pangulo na mabigyan ito ng emergency power, intayin na lang natin kung magkakaroon ng pagbabago.
Pero hangga’t hinihintay pa ito, eh gaya ng dati, magtitiyaga na lang tayo, tutal mukhang nakakasanayan na rin at ito ang ang normal na kalagayan ng trapik sa Metro Manila.
- Latest