^

Punto Mo

Makabagong uring pananakop

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

NOONG nakaraang Hunyo 12, ipinagdiwang natin ang ika-121 anibersaryo ng ating paglaya mula sa pananakop ng Spain. Sinakop din tayo ng US at Japan. Sa mga bansang kaanib ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), tanging ang Thailand lamang ang hindi naging kolonya ng anumang bansa. Bukod sa Pilipinas at Thailand, ang tatlo pang orihinal na kaanib ng ASEAN ay ang Indonesia, Malaysia, at Singapore.

Sa limang ito, tayo na ang kulelat sa kakayahang ipagtanggol ang sariling sobereniya at ipagkaloob ang mabuting buhay sa mga mamamayan. Nangungulelat na tayo ngayon, pero noong 1950s hanggang 60s, pumapangalawa na tayo sa Japan sa punto ng katatagan at kaunlaran bilang nagsasariling bansa.

 Wala tayong kakayahan, kundi man katapangan, na ipagtanggol ang ating sobereniya sa Panganiban o sa Mischief Reef sa may karagatan ng Palawan, sa kabila ng deklarasyon ng International Court of Arbitration ng UN na sa atin ang ilang mga lugar sa West Philippine Sea na inaangkin ng China. Kamakailan lamang, inireport ng Philippine Coast Guard ang presensiya ng mga barkong pandigma ng China sa Panatag Shoal na may layo lamang na 124 nautical miles sa karagatan ng Zambales.

 Ang pananakop ng China sa Panatag Shoal ay nagsimula noong 2012 nang itaboy ng mga barkong pandigma ng China ang Philippine Navy na humuhuli ng mga Chinese na nangunguha ng mga yamang-dagat sa teritoryo ng Pilipinas. Kamakailan lamang, napaulat ang pangunguha ng mga barkong pangisda mula sa China ng mga dambuhalang kabibe sa Panatag Shoal.

 May ibang pamamaraan ng pananakop sa maliliit na bansa ang ibang superpowers.  Hindi ito sa pamamagitan ng pisikal na pananakop na tulad ng ginagawa ng China, kundi sa paghawak sa ekonomiya ng bansa, sa pamamagitan ng taripa at teknolohiya. Dito naman magaling ang US bilang isang superpower.  Sa harap ng ganitong realidad, maituturing ba natin ang Pilipinas na may tunay na kasarinlan?

 Isa pa sa palatandaan ng nagsasariling bansa ay ang paglaya nito mula sa kahirapan.  Malawak pa rin ang kahirapan sa Pilipinas. Habang yumayaman ang ilan, patuloy namang naghihirap ang marami. Marami sa mga Pilipino ang hinahanap ang kanilang kinabukasan sa ibang bansa. Hindi dapat ipagmalaki ng gobyerno ang patuloy na pagdami ng mga overseas Filipino workers (OFWs), sa kabila ng kanilang bilyun-bilyong pisong taunang remittances, sapagkat ito’y palatandaan na tayo’y mahirap at kulang ang magandang oportunidad dito sa atin.

Alipin pa rin tayo ng katiwalian na palala nang palala. Hindi kayang wakasan ng isang matinong presidente ang katiwalian na isa nang kultura dito sa atin. Minsan, sinabi ni Pres. Manuel Quezon, “Mamatamisin ko pa ang isang gobyernong pinatatakbong parang impiyerno ng mga Pilipino, kaysa isang gobyernong pinatatakbong parang langit ng mga Amerikano.” At ganito nga ang nangyayari sa atin. Tayo’y nasa makabagong uri ng tila “makalangit” na pananakop ng ibang bansa at “mala-impiyernong” pananakop ng mga tiwaling opisyales ng gobyerno. Tulad ng nasusulat sa Kawikaan 29:2, “Kapag matuwid ang namamahala, bayan ay nagsasaya, ngunit tumatangis ang bayan kung ang pinuno ay masama.”

 Huwag lamang nating tangisan ang kawalan natin ng tunay na kasarinlan. Kumilos tayo para wakasan ang makabagong uri ng pananakop ng mga dayuhan at pagsasamantala ng mga Pilipinong tiwali. May magagawa ang payapa, nugnit determinadong pagkilos. Magsisimula ang lahat sa pamamagitan ng pagmamahal natin sa Pilipinas sa isip, salita at gawa.

vuukle comment

PANANAKOP

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with