Utol (175)
MULING hinalikan ni Xander si Anna. Mas mainit at mas matagal ang halik. Pero may kontrol ang dalawa sa isa’t isa. Hindi pa oras. Kailangan ay makasal muna sila. Alam nila ang limitasyon.
“Lalo kang napamahal sa akin, Anna. Ikaw pa rin ang nakilala kong mahinhin at mabait na dalaga noon. Hindi ka nagbabago.’’
“Hinintay nga kasi kita kaya ako tumandang dalaga.’’
“Hindi pa naman tayo matanda.’’
“Malapit na.’’
‘‘Kaya nga aasikasuhin na natin ang kasal. Kaila-ngang makasal na tayo para makapagsimula. Baka mahi-rapan ka nang manganak.’’
“Hindi naman siguro. Pero gusto ko na rin talagang makasal tayo.’’
“Kung gusto mo e huwag ka nang umuwi sa Maynila at dito ka na lang hanggang sa makasal tayo.’’
“Magpapaalam na ako sa banko, Xander. Mas maganda yung maayos ang pag-alis ko at saka ang laki ng separation pay ko.’’
“Okey sige.’’
“Pagluwas ko sa Maynila, magsasabi na ako sa boss ko.’’
‘‘Good!’’
Niyaya na ni Xander si Anna.
‘‘Halika, mayroon pa akong ipakikita sa iyo sa kabila ng burol. Magugulat ka!’’
“Ano naman ‘yan, Xander? Lagi mo akong sinusorpresa.’’
“Halika! Matutuwa ka sa makikita mo.’’
Tinungo nila ang kabila ng burol.
At namangha nga si Anna sa nakita. Maraming puno ng carabao mango na halos lahat ay namumunga at karamihan ay manibalang na.
“Ang daming mangga! Mga manibalang na! Kaninong manggahan ito Xander?’’
“Sa akin. Bahagi pa ito ng namana ko. Malaki ito --- mga 5 hectares na pawang mangga.’’
“Binibenta ang mga bunga.’’
“Oo. May isang malaking kompanya na pumapakyaw nito. For export ang mga ito, Anna.’’
“Ang yaman mo talaga Xander.’’
“Kapag mag-asawa na tayo, mayaman ka na rin.’’
Magkahawak kamay silang naglakad sa ilalim ng mga punong mangga.
(Itutuloy)
- Latest