^

Punto Mo

Sangkatutak na tanong sa pautang ng China

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

KAHIT saan ka pumunta, may ginagawang kalsada, tulay at iba pang infrastructure projects sa ilalim ng “Build, Build, Build Program” ni Presidente Duterte. Talaga namang kailangan natin ang mga proyektong ito para sa kaunlaran.  Ang totoo’y huling-huli na tayo sa mga kapitbahay natin sa Asya. Pero dahil hindi naman  mayaman ang Pilipinas, ang mga proyektong ito’y pinopondohan ng pautang mula sa ibang bansa.

Isa sa proyektong ito’y ang $62.09 milyong pautang ng China para sa “Chico River Pump Irrigation Project” sa Kalinga, ang pinakamalaking pautang ng China sa kasalukuyang administrasyon.  Babayaran sa loob ng 20 taon, hindi naman ito nalalayo sa ibang utang ng bansa na may pataw na dalawang porsiyentong tubo, bagama’t mas mataas kaysa ipinapataw ng Japan na 0.25% hanggang 0.75% lamang.

Gayunman, may mga katanungan na lumilikha ng malaking agam-agam tungkol sa pautang ng China. Kauna-unahan ay ang sinasabing “patrimonial assets” o likas-yaman ng Pilipinas na ginawang “collateral” sa pautang.  Ibig sabihin, sakaling hindi makabayad ang Pilipinas, ang mga ito ang ipambabayad.  Ano kaya ang mga ito?  Teritoryo ba na katulad ng mga teritor-yong inaangkin ng China sa West Philippine Sea?  O likas-yaman kaya? Nagbigay naman ng katiyakan ang Department of Finance na kayang-kaya nating bayaran ang malaking utang na ito.  Pero sigurado ba ito?  Napakahaba ng 20 taon para makapagbigay ang sinuman ng siyento porsyentong katiyakan. 

 Hindi kaya tayo matulad sa Sri Lanka, Djibouti sa Northeast Africa, Maldives sa South Asia at iba pang bansa na isinuko ang bahagi ng kanilang teritoryo at estratehikong likas-yaman dahil sa di-mabayarang utang sa China?  Hindi kaya nanganganib ang ating sobereniya bilang isang malayang bansa? Baka wala nang matira sa susunod na henerasyon.

Nakapagdududa rin ang itinatadhana sa kasunduan na ang mga “terms, conditions at fees” ay  kailangang panatilihing “strictly confidential.” Ibig sabihin, hindi hahayaan ang publiko na malaman ang mga detalyeng tulad nito.  Bakit walang karapatan ang mamamayang Pilipino sa impormasyon gayong sila naman ang magbabayad ng utang sa pamamagitan ng kanilang buwis?

At ang higit na nakatatakot, ang kasunduang ito, kasama na ang karapatan at obligasyon ng Pilipinas at China ay ipapasailalim sa mga batas ng China. Hindi ba masyado naman itong pabor sa China?  Nasaan na ang ating dangal bilang isang nagsasariling bansa?

Sa isang indibidwal man o sa isang bansa, malaking trahedya ang idinudulot ng pagkakabaon sa utang.  Ito’y isang uri ng pagpapaalipin.  Nawawalan ng dangal at kalayaan ng pagpili ang may malaking pagkakautang. Wika nga ng English writer na si John Heywood, “Beggars can’t be choosers.”

Sa isang indibidwal, ang pinakamaganda ay wala siyang utang upang siya’y makapamuhay  na may kalayaan at dignidad, lalo na sa isang bansa. Ang isang bansang tunay na maunlad ay walang pagkakautang na sukat magbigay ng panganib sa kanyang sobereniya bilang isang bansang malaya. Sa halip na mangutang, siya ang dapat magpapautang.

Mangyayari ito sa Pilipinas kung matututo tayong sumunod sa utos ng Diyos. Ganito ang pangako Niya na nasusulat sa Deuteronomio 28:12-13, “Bubuksan niya ang langit upang ibuhos sa inyo ang ulan sa kapanahunan. Pagpapalain nga niya kayo sa lahat ng inyong gagawin. Dahil dito, hindi kayo mangungutang, sa halip, kayo pa ang magpapautang sa ibang bansa.  Gagawin kayo ng Diyos ninyong si Yahweh na pinuno ng mga bansa, at hindi tagasunod.  Uunlad kayo at hindi mabibigo kung susundin ninyong mabuti ang kanyang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon.” 

      

 

 

vuukle comment

CHINA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with