^

Punto Mo

Huwag matakot; Makisangkot

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

SIMULA na ang kampanya para sa Senado at party lists. Sa susunod na buwan, magsisimula na rin ang kampanya para sa mga lokal na posisyon tungo sa mid-term election sa Mayo. Sangka-tutak ang nagnanais maglingkod sa bayan.  May mga tumatakbo na talaga namang hindi matatawaran ang kakayahan at integridad. Pero mayroon ding hindi kuwalipikado.  Mayroon ding ang hangad ay mapanatili lamang ang sarili at ang angkan sa kapangyarihan.

Sa panahon ng kampanya ay hahangaan mo ang sipag at tiyaga ng mga kandidato. Ginagalugad ang kasuluk-sulukan mang mga barangay.  Kinakamayan ang mga tao kahit marumi ang mga kamay. Kung ang sipag at tiyagang ito’y dadalhin lamang hanggang sa manalo, napakaganda ng magiging performance ng bawat halal na opisyal.  Ang problema kasi, ang tawag natin sa kumakampanya ay “tumatakbo,” pero kapag nanalo na, ang tawag natin ay “nakaupo.” Ang malungkot, may mga nananalo na gayon nga ang ginagawa, ang upuan ang trabaho. Kung sa kampanya ay tumatakbo, sana kapag nanalo na ay “kumakaripas ng takbo” para paglingkuran ang taumbayan.

Isang mahabang pista ang panahon mula ngayon hanggang sa eleksiyon sa Mayo 13. Ang eleksiyon ang ating pambansang libangan.  Gustung-gusto natin ito, kaya naman laging malaki ang bilang ng mga bumoboto sa tuwing may eleksiyon, lalo na kung ang eleksiyon ay sa antas ng barangay kung saan ang karaniwang naglalaban-laban ay magkakamag-anak.

Sa iba, ang eleksiyon ay hindi lamang libangan kundi hanapbuhay, sapagkat ito ang panahon ng pagkita ng pera sa pamamagitan ng pagbebenta ng sagradong boto. Kailangang magtulung-tulong tayo upang ito’y mahadlangan.  Huwag magbebenta ng boto at ilantad ang mga bumibili ng boto. Ang mga pulitikong bumibili ng boto ay walang gagawin kundi mangurakot para bawiin ang malaking ginastos.

Sa iba, ang eleksiyon ay pagkakataon na lalong patatagin ang pagkontrol ng pamilya sa pulitika. Bagama’t mayroon namang pamilyang ang mga miyembro ay kuwalipikadong maglingkod, ngunit sila na lamang ba ang maaaring maglingkod? May monopolyo ba sila ng karunungan? Wala na bang ibang puwede?  Ikaw mismo’y mahahadlangan mo ito. Kung may magkakamag-anak na tumatakbo, pumili ka lang ng isa kung talaga namang kwalipikado.  Bigyan mo ng pagkakataon ang ibang kwalipikado.  Tandaan mo, ang serbisyo publiko ay hindi negosyong pampamilya.

 Sa iba, ang eleksiyon ay pagkakataon upang manlamang at mandaya. May mga ipinagbabawal ang Comelec.  Halimbawa na lamang ay ang paglalagay ng mga posters.  May sukat na itinakda at may mga lugar na inilaan para sa mga ito.  Kung dito lamang ay hindi makasunod ang isang kandidato, ano pang batas at patakaran ang kanyang susundin? Ang kailangan sa kanya ay itapon sa kangkungan.  Puwede kang maging mata ng Comelec. Kung may ebidensya ka ng paglabag, i-expose mo sa social media. Pero siguraduhin mong solido ang iyong ebidensya para maging makatarungan.

 Sa iba, ang eleksiyon ay pagkakataon upang manakot. Maaari lamang magtagumpay ang pananakot kung hindi nagkakaisa ang mamamayan.  Panahon na para ang mga nananakot ang siya namang matakot sa mamamayang nagkakaisa.  Ang eleksiyon ay pagkakataon para sa ating lahat na magkaisa at magkapit-kapit bisig alang-alang sa kinabukasan ng ating bansa. Huwag matakot. Wika nga ni Franklin Roosevelt, “Only thing we have to fear is fear itself.”

 Huwag nating katakutan ang takot.  Ang maaari lamang nating katakutan ay ang Diyos na ang nais ay itatag ang isang lipunang makatarungan, malaya, may pagkakapantay-pantay at mapagkalinga. Sinumang lalabag sa naisin ng Diyos ay kailangang humanda sa galit ng Diyos!

 

vuukle comment

MAKISANGKOT

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with