^

Punto Mo

Cash gift sa senior citizen hanggang panukala na lang?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

NAKAKAPUKAW din ng pansin ang isang panukalang batas na napaulat  na inaprubahan nitong nagdaang linggo ng special committee on senior citizens ng House of Representatives na nagbibigay ng cash gift sa mga Pilipino na nasa edad na mula 85 hanggang 95 taong gulang. Inaamyendahan ng panukala ang batas na  Centenarian Act of 2016. Sa ilalim din nito, ang mga senior citizens na may edad 85 at 90 ay makakatanggap ng P25,000 at ang mga seniors na may edad 95 taong gulang ay makakatanggap ng P50,000 cash gift. Bukod pa ito sa P100,000 na tinatanggap ng mga centenarian o iyong nasa edad na 100 taong gulang pataas.

Wala namang kuwestiyon sa pagkakaloob ng ganitong insentibo sa mga matatandang nasa antas na ng tinatawag na octogenarian (edad 80-89) at nonagenarian (edad 90-99). Malaking bagay ito sa kanila lalo pa at karamihan sa kanila ay wala nang kakayahang magtrabaho at dumaranas na ng iba’t ibang karamdaman. Maaari iyang pambili nila ng kanilang maintenance na gamot o dagdag na pambayad sa doktor o ospital sakaling magkasakit sila.

Kaso, lumusot pa lang siya sa isang special committee na hindi malaman kung dadaan pa ito sa isang regular committee ng kamara bago iakyat sa plenaryo. Sa mababang  kapulungan pa lang iyan ng Kongreso. Mas mainam kung meron siyang katapat na panukalang-batas sa Senado para mas mapadali ang  pagpapatibay hanggang sa bicameral body. At katatapos lang ng buwan ng Enero. Paano kung wala siyang counterpart measure sa mataas na kapulungan? Umiikli na ang panahon para sa  sesyon ng Kongreso. May tatlong buwan na at eleksyon na. Mas magiging abala na ang mga mambabatas sa kampanya.

Maaaring mas inuna muna ng mga mambabatas ang sa tingin nila ay mas mahahalagang mga panukalang-batas at resolusyon pero, kung itinaon sa panahon ngayon ang pagpapatibay ng panukalang cash gift na ito sa mga senior citizen, parang nasayang lang ang panahon at salaping ginugol ng Kongreso sa pag-aaral, pagdinig, deliberasyon at iba pang proseso para maipasa ito dahil mawawalan din pala ng saysay. Kahit pa sabihing maaari rin namang isumiteng muli ang ganitong panukala sa susunod na Kongreso. Hindi na maibabalik ang nasayang na panahon para sa panukalang hanggang panukala na lang.

 

vuukle comment

CASH GIFT

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with