^

Punto Mo

Killer robot

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

KABILANG sa umuunlad na mga teknolohiya sa mundo sa kasalukuyan ang hinggil sa mga robot na nagagamit na sa larangan ng medisina, siyensiya, pagkain, industriya, komersiyo, edukasyon, libangan, serbisyo, space exploration at iba pa.  Gumiginhawa at lumuluwag ang mga gawain ng tao sa bawat larangang ito dahil sa mga robot na ito. Meron nga lang mga implikasyon sa tila paggampanan ng mga robot na ito sa mga gawaing dati rati ay iniaatang sa mga tao.

Tulad na lang ng paggamit ng mga robot sa giyera o pagsugpo sa mga kriminal. May mga robot nang ginagamit sa pagmamanman, pagtugis at pagdakip sa mga kaaway at masasamang elemento ng lipunan pero ang mga ito ay may control pa ng mga tao. Merong mga tao pa rin na sa pamamagitan halimbawa ng remote control ay namamaniobra ang bawat galaw at kilos ng mga robot na ito.

Meron ding mga nag-eeksperimento sa paglikha ng mga robot na maaaring mag-isip at kumilos mag-isa at maaaring isabak sa mga labanan o giyera nang hindi na kailanganing imonitor at kontrolin ng tao. May mga bentahe naman sa ganito dahil maiiwasan ang pagdanak ng dugo ng mga sundalong tao. Mababawasan ang bilang ng mga balo at ulilang mga anak. Pero ilang sektor ang matinding tumututol sa konsepto ng killer robot sa maraming kadahilanan. Kabilang sa kontra ang International Red Cross na nananawagan sa mga bansa sa buong mundo na magkasundo sa paglalatag ng mahigpit na patakaran sa mga killer robot o mga makinang kusang makakapatay ng tao nang  hindi na kailangang kontrolin.

Napaulat kamakailan ang isang pandaigdigang survey na inilathala ng Human Rights Watch at Campaign to Stop Killer Robots (isang koalisyon ng mga non-government organizations) na nagsasaad na anim sa bawat 10 tao na sinurbey sa 26 na bansa ang tutol sa paglikha ng mga killer robot o fully  autonomous lethal weapons. Ang pag-aaral na isinagawa ng Ipsos ay sumaklaw sa 18,795 katao sa 26 na bansa na kinabibilangan ng Brazil, India, United States, Britain, China, South Africa, Japan at Israel.

Kabilang sa mga puntong inilatag ni Yves Daccord, director-general ng International Committee of the Red Cross (ICRC) na, sa killer robot, ang mga makinang ito na ang magpapasya kung sino ang dapat patayin o hindi. Wala nang makikialam na tao. Ipapaubaya na sa robot na ito ang desisyon kung sino ang dapat mabuhay at hindi.

Ayon kay Daccord, ang naturang mga makina ay walang mga human characteristic tulad ng compassion na kailangan para gumawa ng masalimuot na ethical decisions.  Hindi rin ito makagagawa ng tulad ng human judgment para magtaya kung kailangan ang pag-atake, makilala ang mga sibilyan at combatant, at sumunod sa mga prinsipyo ng international humanitarian law. Bukod dito, malabo kung sino ang mananagot kapag nasira o pumalya ang robot.

May mga gustong ganap na ipagbawal ang killer robot tulad ng lider ng United Nations pero, sa panig ni Daccord, hindi nila isinusulong na ipagbawal ito. Ang kanila lang opinyon, dapat merong level ng human control sa mga ganitong sandata sa giyera.

vuukle comment

KILLER ROBOT

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with