Utol (19)
“AYON kay Catalina, napamahal na sa kanya si Sir Jaime kaya nagpatuloy ang kanilang bawal na relasyon. Hindi na raw magawa ni Catalina na makaiwas sapagkat talaga namang umibig na siya kay Sir Jaime. Napakabait daw ni Sir Jaime sa kanya kaya napamahal na sa kanya nang todo,” pagkukuwento ni Nanay Luisa.
“Wala raw nalalaman ang aking mama sa nangyayaring kataksilan sa loob ng pamamahay?’’ tanong ni Gerald.
“Ayon kay Catalina, wala namang nahahalata si Mam Sofia --- ang iyong mama. Kaya lang, sabi ni Catalina, kapag nakikita niya si Mam Sofia, nakokonsensiya.’’
“Kung may konsensiya siya, dapat lumayo siya at hindi na nagpatuloy nang pakikipagrelasyon kay Papa. Kung tumatanaw siya ng utang na loob kay Mama, dapat hindi na siya nakipagtalik pa.’’
“Hindi na raw niya nagawang tumanggi at makipagkalas kay Sir Jaime dahil talagang pag-ibig ang nadama niya para rito.’’
“Pag-ibig ba yun na nagwawasak siya ng pamilya.’’
Tumigil si Nanay Luisa sa pagkukuwento.
Nakatingin si Gerald sa matanda.
Nag-aalangan si Nanay Luisa kung itutuloy pa o hindi ang pagkukuwento. Parang nasasaktan si Gerald.
(Itutuloy)
- Latest