War on drugs ng PNP, suportado nang maraming Pinoy
Sa kabila ng mga batikos ng iba’t ibang grupo partikular ng human rights groups sa isinasagawang war on drugs ng Philippine National Police (PNP), mukhang iba naman ang pananaw dito ng nakakaraming Pinoy.
Sa lumabas kasing resulta sa latest survey na isinagawa ng Social Weather Stations, alam ba ninyong walo sa sampung Pinoy ang sumusuporta sa kampanyang ito ng PNP.
Ibig lang sabihin marami ang nakakaramdam na bumaba ang panganib dulot ng pagkalat ng ilegal na droga.
Ramdam nila na maraming lugar na dati ay kinatatakutang daanan dahil sa nagkalat na adik sa lansangan, ang ngayon ay masasabing kahit papaano ay nabawasan ang mga durugistang tambay.
Paano na kung bumigay noon pa sa mga batikos ang PNP at pinanghinaan ng loob na ipagpatuloy ang kampanya, paano kung tuluyang tumaas ang mga karumaldumal na krimen dulot ng droga sila rin ang sisisihin at babatikusin ng mga mamamayan.
Kahit nga ang pagpapatupad sa mga ordinansa sa mga lungsod o bayan mistulang sinakop na rin ng PNP, imbes na ang dapat dito ay mga barangay officials na lamang na madalas ngang hindi napapakinabangan o nagtutulog sa pansitan.
Dahil dito, nabawasan ang mga menor de edad na na nagkalat sa lansangan sa magdamag kung saan mataas ang porsiyento na madawit sa kaguluhan at panganib.
Hindi rin tumigil ang pamunuan ng PNP sa pangunguna ni Director Gen. Oscar Albayalde sa kanilang internal cleansing kung saan nasa 520 pulis na ang dinismis sa serbisyo matapos na magpositibo sa illegal drugs, nasa 90 naman na mga scalawag cops ang nakaloboso, ilan pa nga ang napatay sa mga isinagawang operasyon.
Kung magtutuluy-tuloy ang ganitong kampanya at pagpupursigi ng PNP, walang imposible, kung hindi agad –agad ay nakikitang unti-unti nang naibabalik nila ang tiwala ng publiko.
- Latest