^

Punto Mo

Dapat manaig ang ating pagka-Pilipino

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

TINAGURIAN ang Mindanao na Lupang Pangako, ngunit ang masaklap, puro pangako, pero lahat ng pangako ay napako. Gayunman, isang pangyayari kamakailan ang lumikha ng bagong pangitain at pag-asa, ito’y ang paglagda ni Presidente Duterte sa Bangsamoro Organic Law (BOL) na magkakaloob ng malawak na awtonomiya sa Muslim Mindanao at inaasahang tatapos sa isa sa pinakamahaba at pinakamadugong tunggalian sa Asya, na kumitil na ng mahigit sa 150,000 buhay simula nang sumiklab ang labanan sa pagitan ng gobyerno at mga rebeldeng Muslim noong 1970s.

Sa pangunguna ni Hadji Murad Ebrahim, kinunsulta ng liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Camp Darapanan sa Sultan Kudarat, Maguindanao, ang libu-libo nitong tagasunod. Masaya at punung-puno ng pag-asa ang konsultasyon na tila ba ganap na ang tagumpay.  Maraming nagsasabi na hindi pa dapat magsaya, sapagkat marami pang pagdaraanan ang BOL bago ganap na maipatupad.  Kabilang dito ang pagpapatibay ng mga mamamayan ng Muslim Mindanao sa BOL sa pamamagitan ng plebisito at ang matagumpay na pagdepensa sa posibleng pagkwestiyon sa Supreme Court hinggil sa constitutionality ng BOL.

Maging ang United Nations, European Union at gobyerno ng Japan ay nagpaabot na ng pagbati sa BOL. Ako’y naniniwala na kung mayroon mang isang bagay na pinapangarap ng mga Pilipino, ito’y ang pagtatapos ng madugong labanan sa Muslim Mindanao at ang totohanang pagpapaunlad sa rehiyon hindi lamang para sa kapakanan ng mga Muslim, kundi para sa kapakanan ng buong Pilipinas. Isa ako sa mga nangangarap na rito sa Pilipinas maganap ang sabayang pag-unlad ng mga Muslim at Kristiyano.Target ng ISIS ang Pilipinas na pagtayuan ng caliphate nito sa Asya na katulad ng nabigong pagtatangka sa Marawi City, kung saan tumagal ng limang buwan ang labanan, kumitil ng libong buhay at nakaapaekto sa milyong mamamayan. Kung hindi magbabago ang sitwasyon sa Muslim Mindanao, patuloy na maraming kabataan ang maaakit na sumanib sa armadong pakikidigma sa gobyerno. Kahirapan pa rin at kawalan ng pantay na oportunidad ang ugat ng mga problema.

Talagang mahirap isakatuparan ang malakihang mga pagbabago na katulad ng itinatadhana ng BOL. Mangangailangan ito ng tapat na hangarin sa mga taong magpapatupad ng BOL. Anumang sistema ay mabibigo kung ang hahawak ng poder ay tiwali at ang isusulong ay ang mga personal na interest. 

Ang tagumpay ng BOL ay tagumpay nating lahat.  Ang kabiguan nito’y kabiguan nating lahat. Kailangan ang tinatawag na paradigm shift o pagbabago ng pananaw ng kapwa Muslim at Kristiyano. Hindi lahat ng Muslim ay terorista, hindi lahat ng Kristiyano ay mang-aagaw ng lupa. Hindi totoong di-puwedeng magkasama sa isang komunidad ang mga Muslim at Kristiyano.  Ang mga Muslim at Kristiyanong may sariling dangal at pagmamahal sa bansa ay maaaring magkapit-kapit bisig tungo sa pambansang pagpapaunlad.

Pangarap kong dumating na ngayon ang panahon na patutunayan ng isang Kristiyano ang pagiging mabuting Kristiyano sa pamamagitan ng pagmamahal sa mga kapatid na Muslim; at patutunayan ng mga Muslim ang pagiging mabuting Muslim sa pamamagitan ng pagmamahal sa mga kapatid na Kristiyano.

Ngayon na sana ang panahon na tatawagin na lamang natin ang ating mga sarili na Pilipinong nagmamahal sa Diyos, sa kapwa, sa bayan, at sa kalikasan! Ang ating pagka-Pilipino ang siyang dapat na nananaig sa lahat ng panahon.

 

 

 

 

 

vuukle comment

PILIPINO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with