Tak, tak,tak!
ISANG araw iyon na niyaya ako ng aking kalaro na pumila raw kami sa simbahan dahil namimigay ng libreng skim milk powder mula sa Australia. Sinuwerte ako nang araw na iyon dahil hindi na tinatanong ng mga matatandang nagbibigay ng gatas kung sino ang may anak sa akin o ano ang trabaho ng tatay ko para malaman kung nangangailangan talaga ako ng free milk. Tumingin lang sa aking katawan na payatot, at ako ay agad inabutan ng isang malaking pack ng skim milk powder.
Ayoko ng gatas na tinimpla sa tubig, pero paborito kong papakin ang skim milk powder. Hinahaluan ko iyon ng pu-ting asukal, ilalagay ko sa pad paper na binalisuso (papel na ginawang korteng apa). Bubutasan ko ang dulo ng balisusong papel para roon mahulog ang gatas habang nakatapat sa aking nakangangang bibig. Unti-unting mahuhulog ang skim milk powder sa ilalim ng balisusong papel sa pamamagitan ng pagtaktak ng aking mga daliri. Ang tawag naming magkapatid sa gatas na nasa balisuso ay “tak, tak, tak”. Tuwang-tuwa ako tuwing kumakain ng “tak, tak, tak” skim milk. Minsan ay hindi maiwasang maubo dahil napaparami ang nahuhulog na gatas mula sa butas.
Isang araw nang ako ay nasa grade one, nawalan ng pera ang isa kong kaklase. Coins ang nawala. Hindi ko na matandaan kung magkano. Nagpunta lang daw siya sa toilet, tapos pagbalik niya sa classroom ay nawala na ito sa kanyang bag. Pinatayo kaming lahat. Isa-isang hinalughog ni Titser ang aming bag. At kinakapkapan kung may bulsa ang suot naming damit. Noon ay may bulsa ang aking damit kung saan nakalagay ang aking tak, tak, tak skim milk. Noong recess ay iyon ang isa sa aking kinain. Hindi ko naubos kaya itinabi ko sa aking bulsa. Matapos halughugin ang aking bag ay napansin ni Titser ang aking bulsa.
“Annabelle, may I see your pocket”
Para akong tuod. Ayokong kumibo. Pasimple kong inipit ng aking braso ang bulsa. Ayokong mabisto niya na may skim milk sa aking bulsa.
Naghinala ang titser sa aking kakaibang kilos. Lumapit ito at sapilitang ibinuka ang aking bulsa. Tumambad sa kanya ang skim milk na tuluyan na natanggal sa balisuso dahil pabiglang hinatak si Titser ang aking bulsa.
“Ano ito?”
“Skim milk po.”
“What?”
Umiling-iling at saka nagsalita muli.
“Ang gatas ay tinitimpla sa baso, hindi sa bulsa. Always remember that.”
Tawanan ang aking mga kaklase.
Gusto kong sagutin, “Puwede rin sa papel, kaso, pakialamera ka, kaya sumabog sa bulsa ko”.
- Latest


















