^

Punto Mo

Bawal ba ang beso-beso kapag sinisipon?

DOCTOR’S TOUCH - Dr. Luis Gatmaitan M.D - Pang-masa

KAPAG ganitong panahon ng Kapaskuhan, napakaraming nagaganap na pagtitipon – Christmas parties, new year’s parties, family reunion, year-end program assessment ng mga organisasyon. Siyempre, hindi maiiwasan ang pagbati na may kasamang beso-beso. Pero paano kung sinisipon ang isang tao, puwede pa ba siyang maki-beso nang hindi siya makakahawa?

Nitong nagdaang Pasko, nagkaroon ng sipon ang isang pamangkin ko. Nahawahan niya ang kanyang nanay. Pagkatapos, ang ilan pang miyembro ng sambahayan namin ay dinapuan din ng sipon. Siyempre, hindi maganda ang pakiramdam nang sinisipon: giniginaw,  hat-sing nang hatsing, makati ang lalamunan, medyo may sinat, at panay ang tulo ng malabnaw na sipon.  

Alam naman nating madaling makahawa ang sipon. Madalas, naikakalat ang rhinovirus (ang mikrobyong nagdudulot ng karaniwang sipon) sa pamamagitan ng direct contact. Ibig sabihin, kung nakipagkamay ka sa isang taong sinisipon, at sinalat mo ang iyong mukha matapos makipagkamay, maaaring nailipat na ang mucus na puno ng virus sa iyo ng taong kinamayan mo. Kaya nga ipinapayo ang madalas na paghuhugas ng kamay. O ang paggamit ng alcohol o hand sanitizer matapos makipagkamay sa isang taong sinisipon. Huwag namang ipakitang nagpupunas kayo ng alcohol sa harap mismo ng taong kinamayan ninyo sapagkat offensive ito.

Puwede ka ring makakuha ng mikrobyong rhinovirus kung may kontak ka sa mga bagay-bagay sa paligid na posibleng nahawakan na rin ng isang sinisipon gaya ng ballpen, doorknob, telepono, at mga handrails. Puwede kasing manatili ang mga mikrobyong ito sa mga naturang bagay nang kung ilang oras. Muli, kapag nahawakan mo ang mga ito, makalilipat ang virus sa iyong mga daliri. At kung nagkataong sinalat mo ang iyong mukha, mata, o ilong, makalilipat at  makapapasok na rito ang mikrobyo.

Bukod sa mikrobyong rhinovirus, isa pa sa sanhi ng sipon ay ang “coronavirus.” Ito naman ay madali ring maikalat sa hangin. Kapag humatsing ang isang taong sinisipon, may mga droplets na tumatalsik at sumasama sa hangin. Kung puno ng virus ang mga droplets na ito, puwedeng kumalat ang impeksyon. At kapag nalanghap natin, hayun at tayo naman ang susunod na sisipunin. 

May naniniwalang hindi dapat makipaghalikan ang isang sinisipon sapagkat lubhang nakahahawa. Pero hindi ito totoo. Ito ay sapagkat walang taglay na virus ang laway ng isang sinisipon. Ang likidong galing sa kanyang ilong o mata ay may virus pero hindi ang kanyang laway. Kaya puwede pa ring makipaghalikan ang taong sinisipon.

Maaaring nagiging maingat lamang siguro tayo kaya iniiwasan na nating makipaghalikan kapag tayo’y sinisipon. Yung iba nga, kahit ang simpleng beso-beso ay ayaw nang gawin kapag sinisipon. Pero puwede pa ring maki-beso ang isang sinisipon basta’t maging maingat lamang. Madalas naman, ‘yung taong sinisipon ang mismong umiiwas na maki-beso.  

Isa pang mito na karaniwang sinasabi ay nagkakasipon tayo kapag malamig ang panahon o kung naulanan. Muli, hindi ito totoo. Virus ang sanhi kung bakit tayo sinisipon; hindi malamig na panahon o patak ng ulan.

Maaaring ang stress na dulot ng pabagu-bagong panahon ang nagdudulot ng pagbaba ng ating resistensiya. Nataon lamang na nabasa ng ulan. Bakit ang mga tao sa Baguio City, na laging malamig sa buong taon, ay hindi naman laging sinisipon?   

 Bumabati ako sa ating readers ng isang Mapayapa, Masagana, at Manigong Bagong Taon! Salubungin natin ang 2018 na malulusog ang pangangatawan.

 

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with