^

Punto Mo

‘Pinaiikutan ang batas’

- Tony Calvento - Pang-masa

MALIIT man na piyesa ang magkulang sa isang makina, kahit anong gawin mo hindi ito gagana.

“Kung ayaw ninyo ng patakaran ko, alis! Tigil na kayo,” sabi umano ng amo nilang babae.

“Siyam na taon na akong drayber sa kanila pero hindi raw ako bibigyan ng benepisyo dahil hindi ako kasama sa kompanya,” wika ni Jeffrey.

“Ako naman, extra lang daw kaya hindi nila huhulugan,” sabi naman ni Joselito.

Magkasamang nagtungo sa aming tanggapan ang magka­trabahong sina Jeffrey Bonajos-34 at si Joselito Guerrero, 38 taong gulang. Ang kompanyang pinaglilingkuran nila ay ang RBS Construction Supply/RBS General Merchandise na pag-aari ng mag-asawang Rafael at Betty Siao. Ika-5 ng Pebrero ng taong 2014 magkakasamang nagpunta sa opisina ang mga nagtatrabaho sa kompanya upang makiusap sa kanilang benepisyo. Kwento ni Jeffrey maayos naman daw ang pagtugon ng  kanilang amo. May mga aayusin lang daw ang mga ito at mahuhulugan na sila sa Social Security System (SSS). Sa isang pagbabalik-tanaw taong 2005 nang may magrekomenda kay Jeffrey sa nasabing kompanya. Nung simula drayber lang siya ng pamilya ngunit kapag kailangan ng magde-deliver ay siya rin ang nagmamaneho.

“Pati sa pagbubuhat, tumutulong ako sa kanila. Dose oras ang trabaho ko, kapag lumampas dun saka lang papatak ang overtime,” salaysay ni Jeffrey. Nung simula, inintindi niya ang dahilan ng amo dahil ayon dito kakaunti pa lang daw silang empleyado dun kaya’t hindi muna magbibigay ng hulog sa SSS.

“Nung marami-rami na kami, wala pa ring benepisyo kaya’t nagpasya na akong mag­hulog ng sarili ko. Halos tatlong taon yun,” sabi  ni Jeffrey. Pagdating daw ng Nobyembre 2013 nagbalik sa tanggapan ng SSS si Jeffrey para magpagawa ng i.d. “Sabi nila may employer daw ako kaya hindi ako pwede mabigyan ng self employed. Bilang depensa sa amo ko sumagot ako na pa-extra extra lang ako,” wika ni Jeffrey. Binigyan siya ng form at ipinaliwanag umano sa kanya na kung wala siyang employer ay pwede siya sa ‘self-employed’ ngunit kung mapapatunayan sa pag-iimbestiga ng SSS na may employer siya maaari siyang makasuhan ng ‘Perjury’ at ‘Falsification of Public Documents’.

“Binilinan din ako na basahing mabuti ang nakalagay sa form at ipanotaryo pagkatapos. Hindi ko na ipinilit ang gusto ko dahil natakot akong makasuhan dahil lang sa gusto kong magka-i.d,” salaysay ni Jeffrey. Si Joselito naman iniisip ang kanyang mga anak kaya’t gusto niyang magkabenepisyo. Aminado siya na nung simula ay extra lamang siya. Nagbubuhat at nagde-deliver ng sukang pinakurat sa ilang establisyamento.

“Tuwing Sabado ang sahod namin. Ngayon apat na taon na ako sa kanila at tuluy-tuloy ang pagtatrabaho ko dun. Hanggang ngayon sinasabi nila na extra pa rin daw ako,” kwento ni Joselito.

Maliban pa raw sa wala silang benepisyo ay hindi rin daw sila nakakatanggap ng ‘holiday pay’ at Php360.00 lang siya bawat araw. Halos lahat ng mga nagtatrabaho dun ay pareho ang idinadaing kaya’t nang mag-usap-usap sila, napagpasyahan nilang lumapit sa kanilang amo. Maayos naman ang usapan nung simula ngunit kinabukasan nang hindi pumasok si Jeffrey iba na raw ang tono ng pananalita ng mga ito.

“Kung gusto raw namin magkaroon ng SSS maghintay lang pero ako extra lang daw ako kaya’t di ako bibig­yan. Kung hindi raw namin kaya ang patakaran nila umalis na lang kami,” ayon kay Joselito. Mahirap naman daw ang mawalan ng trabaho dahil tanging si Joselito lang ang regular na kumikita sa kanilang pamilya. Si Jeffrey naman, pinagbawalan nang magpunta sa kompanya mula nun at naging ‘family driver’ na lang. Nalaman niya lang daw na nagalit ang kanyang amo nang mag­kwento ang isa niyang kasamahan sa trabaho. Iginigiit ng mga ito na siya raw ang pasimuno kung bakit humingi ng benepisyo ang ilang empleyado doon.

“Ako lang ang naging spokesperson pero talagang dumadaing na rin sila. Ayaw lang nilang mawalan ng trabaho dahil mahirap ang buhay ngayon,” pahayag ni Jeffrey. Nais nina Jeffrey at Joselito na ireklamo ang kanilang amo at makuha ang benepisyong nararapat sa kanila. Ito ang dahilan ng paglapit nila sa aming tanggapan.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito nina Jeffrey at Joselito. BILANG TULONG ini-refer namin sila kay Ms. Mae Rose Francisco, Head ng Media Affairs ng SSS upang makagawa ng karam­patang aksiyon at sa National Labor Relations Commission (NLRC).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung totoong hindi sila hinuhulugan, ang benepisyo tulad ng SSS ay isang obligasyon ng mga employer sa kanilang mga empleyado. Ang kalagayan ni Joselito halimbawa na apat na taon nang nagtrabaho sa kanila ay hindi mo masasabing extra lang siya sapagkat nagkaroon na yan ng employee-employer relationship. Ibig sabihin nagpapatunay lamang ito na siya’y tuluy-tuloy na nagtrabaho sa lugar na iyon. Ang RA 8282 o ang SSS Law ay malinaw na nilabag ng kanilang amo dahil sa ’di pagre-remit sa SSS. Ang tungkol naman sa mababang sahod ni Joselito, sa NLRC naman sila dapat magsampa ng kaukulang kaso upang doon ito mapag-usapan. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre Bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

vuukle comment

AKO

DAW

JEFFREY

JOSELITO

LANG

NUNG

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with