CEU Scorpions pinatumba ang Perpetual Altas
Laro Bukas(Ynares Sports Arena, Pasig City)
2 p.m. – CEU vs Gamboa Coffee
4 p.m. - Akari-Adamson vs Wangs-Letran
MANILA, Philippines — Umiskor si Rich Guinitaran ng 27 points para iangat ang Centro Escolar University Scorpions sa 90-85 panalo laban sa University of Perpetual Help Altas sa 2018 PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa JCSGO gym sa Cubao, Quezon City.
Bukod kay Guinitaran, kumolekta ng 22 points at 12 rebounds ang Congolese import na si Rod Ebondo at nagdagdag ng 16 markers si Joseph Manlangit para sa pang-pitong panalo ng Scorpions sa walong laro.
Nalasap naman ng Altas ang pang-limang pagkatalo sa pitong laban.
Naiwanan ng dalawang puntos ang CEU, ngunit umiskor si Orlan Wamar ng isang drive para maitabla ang laban sa 85-85 sa huling dalawang minuto ng fourth period.
Pinangunahan ni import Prince Eze ang rally ng Perpetual Help Altas para burahin ang 72-60 bentahe ng Scorpions at lumamang pa ng dalawang puntos sa krusyal stretch ng laro.
Ngunit nagmintis ang Nigerian import sa kanyang dalawang free throws sa huling 43 segundo para sa Altas na nagbigay-daan sa Scorpions na makatakas at kunin ang panalo.
Nagposte si Eze ng 23 points, 17 rebounds at 4 blocks para sa Perpetual ni coach Frankie Lim.
- Latest