Kambal dedo sa salpok ng van, driver tumakas

Kinilala ang magkapatid na biktima na sina Jordan Balagat at Denver Balagat, parehong 16-anyos, kapwa Grade 11 at residente ng Barangay Bitnong sa nabanggit na bayan.
Illustrate by John Villamayor

BAYOMBONG, Nueva VIzcaya, Philippines — Patay ang kambal na binatilyo matapos sumalpok ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa isang van sa paliko na bahagi ng Brgy. Munguia, Dupax del Norte sa lalawigang ito, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang magkapatid na biktima na sina Jordan Balagat at Denver Balagat, parehong 16-anyos, kapwa Grade 11 at residente ng Barangay Bitnong sa nabanggit na bayan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sakay ang kambal sa isang motorsiklo (766WKP) nang makasalpukan ang isang Delica Mitsubishi van sa intersection ng national highway sa Barangay Munguia.

Agad na isinugod ang magkapatid sa Dupax District Hospital subalit idineklara silang dead-on-arrival dahil sa mga tinamong sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.

Katarungan naman ang hiling ng mga kamag-anak, kaibigan, kaklase at kakilala ng mga biktima nang tumakas ang driver ng van matapos ang insidente.

Nagkasa na rin ng manhunt operation ang pulisya upang madakip ang driver ng van.

Show comments