MANILA, Philippines — Timbog ang dalawang hinihinalang kasapi ng kilabot na “robbery holdup group” ang napatay habang arestado ang isa nilang kasabwat nang mauwi sa barilan ang entrapment operation ng awtoridad sa Angono, Rizal noong Lunes ng hapon.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Rizal, isang entrapment operation ang kanilang isinagawa laban sa isang grupo na nambiktima sa isang online seller na nagbebenta ng mga alahas at ginto sa kahabaan ng Sitio Sakura sa Barangay Mahabang Parang, Angono, Rizal dakong alas-12:25 ng tanghali pero iniulat ang putukan ng alas-3:40 ng hapon.
Ayon kay Lt. Col. Raymond Nicholas, CIDG-Rizal head, marami na silang natanggap na reklamo hinggil sa iligal na operasyon ng mga suspek kung saan umuupa sila ng pribadong resort at sa loob nito isasagawa ang kanilang modus.
Nakaramdam umano ang mga suspek na mga pulis ang kanilang katransaksyon, kaya imbes na sumuko, pinaputukan agad ng isang suspek ang mga pulis, na nagresulta sa isang madugong engkuwentro.
Bumulagta sa lugar ang dalawang suspek habang ang kasama nilang si alyas Patrick, 25, ay naaresto ng mga operatiba ng CIDG.
Sinabi ng imbestigador ng CIDG na karamihan sa target ng mga suspek ay mga negosyante at sila ay miyembro ng robbery holdup group na target ang mga online sellers ng ginto at alahas.
Narekober ng mga awtoridad mula sa mga napatay na suspek sa encounter site ang isang cal. 45 at 9mm pistol.