CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Apat na pulis-Laguna ang tinanggal sa kanilang puwesto matapos na mawala ang kanilang mga service firearms nang mabiktima umano ng “salisi gang” sa loob mismo ng kanilang outpost barracks sa Barangay San Antonio, San Pablo City, Laguna noong Linggo ng umaga.
Itinago ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga pulis na dalawang Patrolman, isang Staff Sergeant at isang Senior Master Sergeant, pawang nakatalaga sa San Pablo City Police Station dahil sa patuloy na imbestigasyon upang matukoy kung may mga pagkukulang sila sa kanilang pagganap sa kanilang tungkulin na dahilan upang manakawan ng mga baril.
Ayon kay Lt. Col. Chitadel Gaoiran, Calabarzon police director, ang apat na pulis ay inilipat na sa Laguna Police Provincial Office sa ilalim ng Provincial Personnel Holding and Accounting Section.
Ani Gaoiran, ang pagsibak sa mga pulis ay bahagi ng patakaran ng PNP para hindi maimpluwensyahan ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.
Dagdag nito, maaaring nabiktima ng “salisi” o “theft” ang apat na pulis sa kanilang barracks sa Barangay San Antonio, San Pablo City, kamakalawa ng umaga.
Ilang persons of interests na ang natukoy ng pulisya sa insidente ng pagnanakaw.
Sa ulat, inilarawan ng pulisya ang insidente na isang kaso ng pagnanakaw o insidente ng “salisi” na naganap sa Arko post barracks sa kahabaan ng Maharlika Highway, bandang alas-2 ng hapon noong Sabado pero iniulat ito ng alas-4:50 ng madaling araw kinabukasan.
Sa inisyal na imbestigasyon, habang naghahanda ang tatlong pulis na magsagawa ng Comelec checkpoint mula sa pagpapahinga, ay napansin nilang nawawala na ang kanilang inisyu na mahahabang baril kabilang ang mga baril ng ikaapat na kasamahan na naka-off duty.