Kawani ng kapitolyo kalaboso sa droga
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Kalaboso ang isang kawani ng kapitolyo ng Albay na kasapi ng Task Force Quarry matapos maaresto sa inilatag na buy-bust operation ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency sa loob ng compound ng Rawis Pension House sa Purok-4, Sitio Palawan, Brgy. Rawis ng lungsod na ito kamakalawa ng hapon.
Nakakulong sa detention cell at sinampahan na ng kasong paglabag sa comprehensive dangerous drugs act of 2002 ang suspek na kinilalang si Edrin Binza Torrecampo, 43-anyos,residente ng Brgy.Tagas, Tabaco City, Albay.
Sa ulat, dakong alas-3:50 ng hapon sa tulong ng Legazpi City Police, PDEA Regional Special Operations Group ay inilatag ng mga ahente ng PDEA-Albay sa pangunguna ni Provincial Officer Intelligence Agent lll Noe Briguel ang buy-bust operation laban kay Torrecampo.
Hindi na ito nakapalag matapos arestuhin ng mga ahente makaraang iabot sa poseur buyer ang biniling droga.
Nakuha sa suspek ang tatlong medium size plastic sachet ng shabu na may timbang na 10-gramo at nagkakahalaga ng 68-libong piso, boodle money na ginamit sa buy-bust at nakumpiska pati ang motorsiklo na gamit ng suspek sa iligal na transaksyon.
- Latest