P7 milyong puslit na petrolyo nasabat, 10 timbog
MANILA, Philippines — Umaabot sa P7-milyong halaga ng smuggled petroleum products ang nasabat ng mga awtoridad kasabay ng pagkakaaresto sa 10 indibiduwal kamakalawa ng madaling araw sa Tawi-Tawi.
Kinilala ang mga naaresto na sina Kashmeer Abao, 41, skipper; Sajid Hassan, 51, may-ari ng wooden-hulled vessel; Jimmy Pulahan, 48, vessel machinist o mechanic; Hadji Caesar Utuali, 65; Hadji Manuel Kesun, 64; Te Teteng Meran, 32; Gurano Japar, 42; Jamala Hussin, 18; Kolongan Nasilin, 52; at, Raymond Abdul, 23.
Ayon kay Col. Richard Verceles, operations chief ng Area Police Command-Western Mindanao, naharang ang mga petroleum products dakong alas-3:30 ng madaling araw nitong Sabado, Enero 28 malapit sa island town ng Tandubas.
Nagsasagawa ng seaborne patrol ang Police Maritime Group personnel sa Tawi-Tawi nang mamataan nila ang ML Shaira, isang wooden-hulled vessel.
Nang inspeksyunin, nakita rin ang 10 katao kasama ang 590 drum ng hindi dokumentadong produktong petrolyo na nagkakahalaga ng P7 milyon.
Lumabas na nagmula ang petrolyo sa Malaysia at nakatakda sanang ideliver sa Zamboanga City.
Dinala na sa headquarters ng Police Maritime Group sa Bongao, Tawi-tawi ang mga naaresto at dinala naman sa Bureau of Customs ang mga smuggled na langis para sa tamang disposisyon.
- Latest