Groom, tinodas bago ang kasal
MANILA, Philippines — Sa halip na simbahan, sa sementeryo hinatid ng kanyang pamilya ang isang barangay official na pinagbabaril hanggang sa mapatay noong Biyernes ng gabi, isang araw bago ang kanyang kasal sa Cotabato City.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Kingdom Mangansakan, kagawad ng Brgy. Macasendeg, Cotabato City at anak ni Brgy. Captain Naguib Mangansakan, ng Brgy. Paido Pulangi, Pikit, Cotabato.
Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-6:15 ng gabi sa tapat ng isang pharmacy sa parking lot ng Alnor Commercial Complex.
Nabatid na naghahanda ang biktima at mga kasama nito para sa kanyang pagpapakasal sa isang pulis sa pamamagitan ng Islamic rites subalit bigla na lamang itong nilapitan ng mga suspek at pinagbabaril ng apat na beses.
Tama sa ulo ang tumapos sa buhay ng biktima.
Nang makitang bumulagta at naliligo sa dugo ang biktima, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng mga motorsiklo.
Agad namang inilibing si Mangansakan, kahapon.
Nangangalap na ng iba pang ebidensiya at CCTV footage ang pulisya upang malaman ang motibo at sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek.
- Latest