Leyte nilindol ng 5.1 magnitude: 8 sugatan
Kabahayan, iskul at simbahan nasira
MANILA, Philippines — Walo katao ang iniulat na sugatan matapos na tumama ang magnitude 5.1 na lindol sa Leyte nitong Linggo ng gabi, Enero 15.
Alas-8:28 ng gabi nang tumama ang lindol at sentro nito ay may 3 kilometro ng timog-silangan ng Leyte, Leyte.
Maliban sa napaulat na nasaktan, nagtamo rin ng pinsala ang ilang mga tirahan, simbahan at kalsada.
Nauna nang idineklara ni Leyte Mayor Arnold James Ysidoro ang suspensyon ng klase sa nabanggit na munisipalidad upang tiyaking ligtas ang mga paaralan sa mga pinsalang naidulot ng lindol.
Bumuo na rin si Ysidro ng grupo na binubuo ng mga tauhan mula sa Municipal Engineering Office, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, Bureau of Fire Protection, Philippine National Police, Municipal Social Welfare and Development Office, Rural Health Unit, at lokal na pamahalaan upang busisiin ang structural integrity sa mga bahay at gusali na naapektuhan ng lindol sa bayan.
Nanawagan din ang alkalde sa mga residente na hintayin muna ang go-signal mula sa inspection team bago tuluyang bumalik sa kani-kanilang mga tirahan.
Sa ngayon, may mga aftershocks pa rin na nararamdaman ang mga residente.
- Latest