3 tinedyer patay sa ‘shootout vs pulis
Sigaw ng pamilya: Rubout!
COTABATO CITY, Philippines — Tatlong teenager ang patay matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa naganap na sinasabing “shootout” sa Lambayong, Sultan Kudarat nitong Biyernes ng madlaing-araw.
Ang tatlong napatay na kabataan ay hindi pa pinangalanan ng pulisya.
Ayon kay Major Jenahmeel Toñacao, hepe ng the Lambayong Police, sa mga mamamahayag nitong Sabado, pinatigil ng mga pulis ang tatlong kabataan na lulan ng motorsiklo sa checkpoint sa Barangay Didtaras pero bigla silang humarurot patakas.
Sinabi ni Toñacao na kasunod nito, pinaputukan umano ng tatlong suspek ang mga pulis na humahabol sa kanila matapos silang makorner sa nasabing lugar na nagbunsod ng engkuwentro.
Bulagta sa nasabing lugar ang tatlong menor-de-edad.
Sinabi ni Toñacao na narekober ng mga police forensic experts ang dalawang .45 caliber pistols sa tabi ng mga bangkay ng tatlo at nakakuha rin ng sachet ng shabu mula sa bulsa ng suot na damit ng isa sa mga napaslang.
Samantala, hiniling ng mga kaanak ng mga napatay na teenager sa Commission on Human Rights na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa insidente matapos nilang igiit na biktima ng “rubout” ang tatlong napaslang na menor-de-edad.
- Latest