Tricycle inararo ng pickup truck , 4 patay
MANILA, Philippines — Patay ang apat katao kabilang ang tatlong miyembro ng isang pamilya matapos na aksidenteng araruhin ng isang pickup truck ang isang tricycle sa kahabaan ng highway ng bayan ng Miag-ao, Iloilo, kamakalawa ng gabi.
Sa report ng Iloilo Police, kinilala ang mga nasawing biktima na sina Arlene Estorpe, 50, guro sa Igdulaca Elementary School sa bayan ng Miagao; mister nitong si Bien, driver ng tricycle, 10-anyos na anak na babae at kasamahang guro ng ginang na si Helen Olaguer, 45
Base sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang trahedya sa kahabaan ng national highway ng Brgy. Oyunga pasado alas-8:00 ng gabi.
Ayon sa pulisya, lulan ng tricycle ang mga biktima patungo sana sa kanugnog na bayan ng San Joaquin nang araruhin ng kulay puting pickup truck na minamaneho ni Noel Tactica , 25.
Nawalan umano ng preno ang pickup truck bunsod upang tuluy-tuloy na araruhin ng nasabing behikulo ang kasalubong nitong tricycle.
Sa lakas ng pagkakabangga ay halos nayupi ang tricycle na malubhang ikinasugat ng mga biktima na pawang nasawi sa insidente.
Nahaharap sa kasong 4 counts of homicide at damage to property ang driver ng pickup.
- Latest