Bebot sinapak sa tenga ng ka-live in, tepok

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Annaliza Atatado habang nahaharap sa kasong pagpatay ang suspek na si Robert Ramirez; kapwa nasa hustong gulang at residente sa nasabing lugar.
File

CAVITE, Philippines — Patay ang isang babae matapos sapakin sa gawing te­nga ng kanyang live-in partner nang magkaroon ng mainitang pagtatalo, kamakalawa ng gabi sa Brgy. Kaytambog Indang Cavite.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Annaliza Atatado habang nahaharap sa kasong pagpatay ang suspek na si Robert Ramirez; kapwa nasa hustong gulang at residente sa nasabing lugar.

Sa imbestigasyon ni P/SMS Oliver Riazon Jr., dakong alas-3:15 ng madaling araw nang personal na magtungo sa pulisya ang kapatid ng biktima na si Anthony Atatado at inireport na namatay ang kaniyang kapatid habang ginagamot sa ospital.

Lumalabas sa pagsisiyasat ng pulisya, alas-7:30 ng gabi nang magkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktima at suspek.

Sa tindi ng galit ng lalaki, sinapak nito ang kinakasama na nasapol sa kaliwang bahagi ng ulo at tenga.

Agad namang naawat ang dalawa at kapwa dinala sa barangay upang magkaroon ng pag-uusap at pag-aayos. 

Gayunman, dakong alas-11:00 ng gabi nang bigla na lamang bumagsak ang biktima at nakaramdam ng hirap sa paghinga kung kaya agad siyang itinakbo sa Gen. Emilio Aguinaldo Memorial Hospital subalit makalipas ang may ilang oras ay idinedeklara ng mga doktor na patay na.

Isasailalim sa autopsy examination ang bangkay ng biktima at pansamantalang nakakalaya pa ang suspek habang hinihintay ang resulta ng autopsy sa biktima.

Show comments