Forest ranger sa Bulacan, itinumba

Norzagaray, Bulacan, Philippines — Isang forest ranger ang pinatay ng mga miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA),sa bayang ito,kamakalawa.

Kinilala ni Colonel Charlie Cabradilla, Bula­can police director, ang biktimang si Mauro Mudlong, 54, chief forest ranger at residente sa Sitio Ipo, Barangay San Mateo, ng nasabing bayan.

Batay sa report ng Norzagaray-PNP, alas-7:30 ng gabi nang  matagpuan ang bangkay ng biktima na tadtad ng bala ng baril sa Consultant Area malapit sa Ipo Dam.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, dinukot ng higit sa 10 miyembro ng Kilusang Narciso Command si Mudlong sa nasabing lugar.

Ilang residente ang nakarinig ng magkakasunod na putok ng baril at dito na nila nakita ang naliligo sa sariling dugo na biktima.

Sa pagresponde ng mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng krimen nakapulot sila ng 8-basyo ng .45-caliber pistol, 3 basyo ng .9mm-caliber at dalawang bala sa hindi pa mabatid na kalibre ng armas.

Advertising
Scroll to continue

Positibo naman kinilala ng kaanak ang apat na suspek sa ipinakitang larawan ng mga pulis na nasa listahan ng mga wanted rebelde sa lugar.

Si Mudlong ay da­ting lider ng Dumagat at Indi­genous Person Mandatory Representative sa Sitio Ipo.

Show comments