Parak na ‘bading’ sa TikTok pinakakasuhan ni Gen. Danao
MANILA, Philippines — Dahil sa pagpapakita bilang isang gay person o “bading” sa kanyang TikTok account, isang pulis ng Lanao del Sur ang maaaring maharap sa mga kaso dahil sa paglabag sa “rules and regulations” ng Philippine National Police (PNP).
Iniutos kahapon ni PNP officer-in-charge Lt. Gen. Vicente Danao Jr. ang imbestigasyon laban kay Police Patrolman Algabid Said Marohomsalic matapos mag-viral ang video nito sa social media.
Nakasama sa direktiba ni Danao sa isang memorandum na inilabas ni Maj. Gen. Omega Jireh Fidel, director ng PNP Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM), nitong Mayo 23, para sa Bangsamoro Autonomous Region Police Office.
“You are directed to conduct a pre-charge investigation and file administrative charges against the concerned PNCO (police non-commissioned officer),” ayon sa memo ni Fidel.
Sa naturang video, si Marohomsalic ay umaktong bakla bilang tugon sa tanong ng isa sa kanyang mga followers.
“Bakla ka ba lods? Eto sobrang daming nagtatanong dito sa akin kung bakla ba talaga ako eh. Ay shuta ka!” ani Marohomsalic sa video, gamit ang “gay lingo”.
Agad namang pinuna ng PNP ang naturang video kung kaya iniutos ni Danao na imbestigahan ang naturang pulis.
Sinabi ni Fidel na isa sa mga posibleng nilabag ni Maromsalic ay ang “conduct unbecoming of a police officer” at paglabag sa polisiya ng PNP sa pagpo-post ng mga “unnecessary” o di kanais-nais na video sa social media.
- Latest