10 kadete mula Cagayan Valley nagtapos sa PMA
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Sampung kadete mula sa Cagayan Valley (Region 2) ang mapalad na kabilang sa 214 na nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City nitong Linggo.
Ayon sa report ng Philippine Information Agency (PIA)-Cagayan Valley, kabilang sa mga nagtapos sa PMA Bagsik Diwa Class 2022 ay ang anim mula sa lalawigan ng Cagayan na sina 2nd Lieutenants John Paolo Pagulayan mula sa bayan ng Gattaran; Ian Van Gammad ng Iguig, Rei Anthony Escobar at Catherine Talosig, kapwa ng Tuguegarao City, at sina Benjamin Saguid Jr at Romel John Labaguis na parehong mula sa bayan ng Sta. Ana.
Tatlo naman ang mula sa lalawigan ng Isabela na nakilalang sina Izzah Leona Taccad ng Tumauini, Wilson Harold Cabreros ng Alicia at Neilvon Acosta ng Ilagan City, habang si Andrew Vince Henry Maribbay II ay mula sa Villaverde, Nueva Vizcaya.
Sa naganap na graduation ceremony na pinangunahan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte, naigawad kay Talosig ang athletic saber award habang si Gammad naman ang nakakuha ng Journalism award.
Ang PMA Bagsik Diwa Class 2022 ay pinangunahan ni Cadet 1st Class Krystlenn Ivany Quemado ng South Cotabato, ang ika-pitong babae na naging number one sa PMA na tumanggap naman ng Presidential Saber award, Philippine Navy Saber award, Jusmag Saber award, Australian Defence Best Overall Performance Award, Spanish Armed Forces Award, Agfo Award, Academic Group Award, Humanities Plaque, Management Plaque, Social Sciences Plaque, at Navy Professional Courses Plaque.
- Latest