Special elections sa Lanao del Sur, ikinakasa
Matapos ang ‘failure of election’ sa 14 barangay
MANILA, Philippines —Tahasang sinabi ni Philippine National Police director for operations at Security Task Force-National and Local Elections (STF-NLE) 2022 deputy commander Police Major General Valeriano de Leon na nakahanda ang PNP para sa isasagawang special elections sa hindi bababa sa 14 na barangay sa Lanao Del Sur.
Ayon kay De Leon, nakikipag-coordinate na siya sa Commission on Elections (COMELEC) para sa seguridad ng special election alinsunod sa direktiba ni PNP Officer-in-Charge P/Lieutenant General Vicente Danao.
Kailangan din aniya na maisagawa ang halalan ng maayos at payapa.
Sinabi ni De Leon na magde-deploy ng augmentation force ang PNP para umalalay sa lokal na pulisya upang masiguro ang mapayapang pagdaraos ng special election.
Nabatid na mahigit 8,000 botante ang na-disenfranchise sa mga nasabing barangay sa mga bayan ng Binidayan, Butig, at Tubaran matapos na ideklara ang “failure of elections” sa mga lugar na ito.
Itinakda naman ng COMELEC sa Mayo 24 ang special election sa Tubaran.
- Latest