Factory worker nalunod sa outing sa resort
CAVITE, Philippines — Wala nang buhay nang madiskubre sa may 8-talampakang lalim na swimming pool ang isang 40-anyos na factory worker sa kasagsagan ng kanilang summer outing kamakalawa ng hapon sa isang resort sa Brgy. Alulod bayan ng Indang, dito.
Kinilala ang biktima na si Kit Adrian Maasim Gabi, 40-anyos, manggagawa ng isang kumpanya at residente ng Purok 1, Brgy. Osorio, Trece Martires City, Cavite.
Sa imbestigasyon ni P/Chief Master Sgt. Arnel Julian, alas-12:15 ng tanghali nang matagpuan ang katawan ng biktima sa ilalim ng swimming pool ng mga kasamahan nito.
Nabatid na nag-summer outing ang biktima at mga kasamahan niya sa trabaho sa Villa Feliciana Resort, Brgy. Alulod, Indang.
Huling nakitang buhay ang biktima sa inupahan nilang table cottage at umiinom kasama ang mga katrabaho.
Nang magkakainan na umano ng pananghalian, hindi na makita ang biktima hanggang sa madiskubre itong nasa 8-feet na lalim na pool.
Agad siyang ni-rescue ng mga lifeguards at itinakbo sa MV Santiago Hospital subalit idineklarang dead-on-arrival.
- Latest