Battle ground training ng Army, pinaigting
FORT MAGSAYSAY, Nueva Ecija, Philippines — Mas pinaigting ng Philippine Army (PA) ang kanilang kakayahan sa pakikipagdigma matapos magsagawa ng anim na araw na “Urban Battle Ground Training” ang tropa ng 84th Infantry (Victorious) Battalion sa headquarters ng 84IB sa Camp MGen Gatan, sa Barangay Sto. Niño 2nd, San Jose City.
Sinabi ni Major General Andrew Costelo, commander ng 7th Infantry (Kaugnay) Division ng PA, na malaking tulong ito na pahusayin pa ang kakayahan sa pakikipagdigma na tinawag na Urban Combat Orientation Training (UCOT) ng 84IB. Nagsimula ito noong Marso 21 at natapos nitong Marso 26 na nilahukan ng 5-team na binubuo ng 24 na miyembro mula sa iba’t ibang line company at pinangasiwaan ng Battalion Training Team.
Nakatuon ang nasabing pagsasanay sa Combat Marksmanship, Basic Close Quarter Battles, at Urban Movements na naglalayong bumuo ng mga kasanayan at kaalaman ng mga sundalo na kailangan sa pagsasagawa ng mga operasyon sa isang hindi pinahihintulutang kapaligiran sa kalunsuran.
“Nais kong batiin ang mga kalahok sa 6-araw na Urban Combat Orientation Training. Ang pagkakataong ito ay mahalaga sa aming kampanya upang pahusayin ang inyong mga kasanayan sa urban battle habang naghahanda tayo sa pagharap sa kaaway “in an urban setting”.
Mahalaga ang pagsasanay na ito dahil ang terorista ay walang pinipiling lugar sa paghahasik ng kasamaan laban sa komunidad kaya nararapat lamang na maging handa tayo sa lahat ng pagkakataon,” pahayag ni MGen Costelo.
- Latest