Mag-ina nakuryente, patay

Kinilala ang mga biktima na sina Lea Viola Regala, 34-anyos at anak na si Ejay,11-anyos, pawang residente ng naturang lugar.
STAR/ File

POLANGUI, Albay, Philippines  — Kapwa nangisay at agarang namatay ang magnanay matapos makuryente sa nakabitin na kable sa Purok-6, Brgy. Balaba ng bayang ito kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga biktima na sina Lea Viola Regala, 34-anyos at anak na si Ejay,11-anyos, pawang residente ng naturang lugar.

Sa ulat sa mga pulis ng isang Lanie Llaneta,kapitbahay ng mag-ina,dakong alas-6 ng gabi ay nagtungo ang mga biktima sa kalapit na batis para maligo.

Gayunman,ilang sandali ay narinig ang palahaw ng mag-ina kaya agad niya itong pinuntahan at in abutan pang nakahandusay at nanginginig ang dalawa sa damuhan habang nakadikit sa putol na kable ng kuryente.

Mabilis na sinaklolohan ang mga biktima at isinugod sa pinakamalapit na pagamutan pero hindi na umabot nang buhay.

Pinaniniwalaang unang nakuryente ay ang batang si Ejay makaraang madikit sa nakalambiting putol na kable mula sa poste na sinaklolohan ng ina kaya pareho silang nanginig sa lakas ng boltaheng dumaloy sa katawan.

Show comments