NPA kumander, 4 pa todas sa shootout

Kinilala ang napatay na si Eddie/Arnold Rosero alyas “Ka Star”,Kumander ng La­rangan 1, Komite Probinsya 4 ng Bicol Regional Party Committee ng NPA-Masbate.
STAR/File

MANDAON, Masbate - Bulagta ang kilabot na kumander ng New People’s Army (NPA) at apat nitong kasama matapos pumalag sa warrant of arrest ng mga pulis at sundalo sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Bugtong ng bayang ito kamakalawa.

Kinilala ang napatay  na si Eddie/Arnold Rosero alyas “Ka Star”,Kumander ng La­rangan 1, Komite Probinsya 4 ng Bicol Regional Party Committee ng NPA-Masbate.

Patuloy na inaalam pa ang pagkakakilanlan ng apat nitong napaslang na kasamahan habang tinutugis ang iba pang nakatakas na kadre.

Sa ulat, dakong alas-5:30 ng umaga bitbit ang warrant of arrests laban kay Rosero sa limang kasong murder at frustrated murder na may kaugnayan sa paglabag sa international law,genocide at paglabag sa karapatang pantao ay sinalakay ng mga kasapi ng Mandaon Police,Masbate PNP Provincial Office, PRO5 at 9th Infantry Division ng Philippine Army ang kuta ng mga rebelde na pinangungunahan ni Ka Star.

Gayunman, palapit pa lang ang mga pulis at sundalo ay agad na silang pinutukan ng mga komunista dahilan para magkaroon nang palitan ng putok sa magkabilang panig na tumagal ng 30-minuto hanggang patay na tumimbuwang ang lider at apat nitong mga tauhan.

Nang makita ng mga kadre na patay na si Rosero at apat na iba pa ay kanya kanyang takas na ang mga natitirang komunista.

Nabawi sa lugar ng engkwentro ang tatlong M16 Armalite Rifle, isang M14 Rifle, dalawang Kalibre 45 pistola, mga gamit sa pampasabog, mga subersibong dokumento, magazine at mga bala. - Doris Franche

Show comments