Hindi nagbayad ng utang, pinagbabaril
IMUS CITY, Cavite, Philippines — Kritikal sa pagamutan ang 37-anyos na tricycle driver matapos itong pagbabarilin ng umano’y pinagkakautangan kamakalawa ng gabi sa Brgy. Buhay na Tubig ng lungsod.
Ang biktimang nagtamo ng mga tama ng bala sa leeg at katawan ay nakilalang si Darwin Centeno, residente ng nasabing barangay.
Naaresto naman ang suspek na nakilalang si Crisanto Quimpano, 53-anyos, residente ng Brgy. Mambog 3. Bacoor City, Cavite.
Sa imbestigasyon, alas-10:30 ng gabi ay kasalukuyang nakapila sa terminal ang biktima at naghihintay ng pasahero nang dumating ang suspek na armado ng maiksing baril at walang sabi-sabing binaril ito ng 2 beses sa leeg at katawan.
Duguang bumagsak ang biktima habang tatakas sana ang suspek, subalit agad din itong naaresto ng mga nakakita sa pangyayari.
Narekober sa suspek ang 1 caliber .38 revolver, 3 piraso ng mga bala ng caliber .38 at 2 piraso ng caliber .38 Shell.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, hindi umano binayaran ng biktima ang suspek sa pagkakautang nito kaya’t sa galit ay binaril ito.
- Latest