Engineer-contractor ng bangko tiklo habang dumidekwat sa ATM
CAVITE, Philippines — Dinakma ng pulisya ang isang inhinyero na nagsisilbi ring kontraktor ng kilalang bangko matapos maaktuhang kumukupit umano ng pera sa isang ATM booth ng Land Bank of the Philippines sa Capitol Ground, Brgy. San Agustin, Trece Martirez City, dito.
Kinilala ang suspek na si Nicko Oneal Estrella, 26-anyos, field engineer ng Diebold Nixdorf Company at kontraktor ng LandBank.
Sa imbestigasyon ni P/Staff Sgt. Eduardo Reyes, alas-5:00 ng hapon nang humingi ng responde si Romar Tomas, 39-anyos, security director ng Brinks Philippines Inc, matapos na maaktuhan umano nito ang suspek na kumukupit ng pera sa ATM booth ng nasabing bangko na nasa Capitol Ground sa Brgy. San Agustin.
Sa pangunguna ni PSSg Erwin Cuadra ng Cavite PMFC, 4th Manuever Platoon, na naka assign mismo sa Cavite Provincial Capitol, hinuli ang suspek at nakuha rito ang halagang P12,000 na nakuha niya sa cash vault.
Nabatid na ang suspek ay empleyado ng Diebold Nixdorf na contractor ng Landbank na incharge bilang “second line maintenance” kung kaya alam nito ang pagkalikot sa mga ATM machine.
- Latest