7 pulis sa ambush-slay ng Calbayog mayor, inilagay sa restrictive custody
MANILA, Philippines — Pitong pulis na sangkot sa pagkakapaslang kay Calbayog City Mayor Ronald Aquino ang isinailalim na sa “restrictive custody” ng Philippine National Police (PNP) matapos ang ginawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI).
Kinilala ang mga pulis na sina Lt. Col. Harry Sucayre, Maj. Shyrile Tan, Capt. Dino Goles, Lt. Julio Armeza Jr., Staff Sgt. Neil Cebu, Staff Sgt. Edsel Omega, at Patrolman Nino Salem na sinampahan na ng NBI ng mga kasong murder at frustrated murder.
Ayon kay PNP chief Gen. Guillermo Eleazar, base sa kanyang direktiba, isasailalim sa kustodya ng Integrity Monitoring and Enforcement Group at Police Regional Office ng Eastern Visayas ang pitong nabanggit na pulis.
Matatandaang nagtamo ng 21 tama ng bala ng baril si Aquino nang tambangan sa Brgy. Lonoy, Calbayog noong Marso 8.
Lima pa ang naiulat na napatay na kinabibilangan ng close in security ng alkalde na si P/Senior Sgt. Rodio Sario; driver na si Dennis Abayon; P/Capt. Joselito Tabada; P/Senior Sgt. Romeo Laoyon; at sibilyan na si Clint John Paul Yauder.
- Latest