2 pang BIFF dedo sa sagupaan
MANILA, Philippines — Dalawa pang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang namatay sa engkuwentro sa mga tropa ng Joint Task Force Central sa Barangay Mao, Datu Paglas, Maguindanao kamakalawa ng umaga.
Ayon kay Wesmincom Commander Lt. Gen. Corleto Vinluan, ang dalawang teroristang namatay ay mga miyembro ng BIFF-Karialan Faction na pinamumunuan ni Mohiden Animbang alyas “Karialan”.
Ayon sa ilang miyembro at opsiyal ng religious community, ang mga napatay ay nakilalang sina Mansur Amil at Salem Oting na kasapi ng BIFF na umatake sa Poblacion ng Datu Paglas noong MayO 8 na nagbunsod ng kaguluhan.
Nagsasagawa ang JTFC ng military operation nang makasagupa ang mga terorista sa Brgy. Mao, Datu Paglas at habang sinusuyod ang lugar ay nadiskubre ng mga awtoridad ang isang foxhole o hukay na ginawa ng mga terorista.
Nakuha sa dalawang napatay ang isang bandolier na may dalawang mahabang magazine ng M16 rifle na may 50 rounds ng 5.56 mm ammunitions at dalawang backpack.
Iniulat naman ni Joint Task Force Central Commander Maj. Gen. Juvymax Uy, na walang napinsala sa panig ng pamahalaan sa nangyaring 10-minutong engkuwentro. - Rhoderick Beñez
- Latest