Shellfish, alamang sa 7coastal areas positibo sa red tide – BFAR
MANILA, Philippines — Mahigpit munang ipinagbabawal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pagkain ng anumang shellfish at alamang mula sa pitong coastal areas sa bansa matapos na matuklasang positibo ang mga ito sa Paralytic Shellfish Poison (PSP) o toxic red tide.
Sa inilabas na shellfish bulletin No. 13 ng BFAR nitong Sabado, nabatid na ang mga shellfish na nakokolekta mula sa coastal areas ng Puerto Princesa Bay, Puerto Princesa City sa Palawan; Coastal waters ng Dauis at Tagbilaran City sa Bohol; Tambobo Bay, Siaton sa Negros Oriental; Coastal waters ng Calubian sa Leyte; Balite Bay, Mati City sa Davao Oriental; at Lianga Bay at coastal waters ng Hinatuan sa Surigao del Sur; ay nananatiling positibo sa PSP o toxic red tide na lampas sa regulatory limit.
Samantala, nadagdag sa listahan ang Bislig Bay sa Surigao del Sur matapos makumpirmang positibo na rin ito ngayon sa PSP.
“All types of shellfish and Acetes sp. or alamang gathered from the areas shown above are NOT SAFE for human consumption,” babala ng BFAR.
Nilinaw naman ng BFAR na ang mga isda, pusit, hipon at mga alimango na mahuhuli sa mga naturang lugar ay ligtas para sa human consumption ngunit kailangang sariwang kakainin ang mga ito at tiyaking nahugasang mabuti.
- Latest