Bumbero sumalpok sa SUV, nagulungan pa ng truck
LIGAO CITY, Albay, Philippines — Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang 26-anyos na bumbero matapos na bumangga ang kanyang motorsiklo sa isang SUV at nagulungan pa ng petroleum tanker truck sa kahabaan ng Maharlika National Highway sa Brgy. Dunao ng lunsod na ito kamakalawa ng hapon.
Tinangka pang isugod sa pagamutan pero idineklarang dead-on-arrival ang biktimang si FO1 Ronnie Rey Necio Orpilla, residente ng Purok-2, Brgy. Tagaytay, Camalig at nakatalaga sa Basud Fire Station sa Camarines Norte.
Sa ulat, dakong alas-12:45 ng hapon ay magkasunod na binabagtas ng Yamaha Sniper na motorsiklo ng biktima at Extreme Petroleum Tanker truck na minamaneho ni Ramil Estuye Gacos, 44-anyos, ng Brgy. Putiao, Barcelona, Sorsogon ang kahabaan ng highway. Gayunman, sinubukang mag-overtake ng biktima sa kanang bahagi ng sinusundang tanker dahilan para bumangga ito sa hulihang bahagi ng nakaparadang Nissan Terrano SUV sa tabi ng kalsada.
Sa lakas ng pagkakabangga, sumemplang ang motorsiklo at nagulungan ang biktima ng tanker na agaran nitong ikinasawi.
- Latest