60 bayan sa Cagayan Valley, tinamaan ng ASF
SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines — Umakyat na sa kabuuang 60 na munisipalidad o bayan sa buong Cagayan Valley (Region-2) ang apektado ngayon sa second wave ng African Swine Fever (ASF), ayon sa pinakahuling ulat ng Department of Agriculture (DA).
Sa ipinalabas na datos kamakalawa ng nasabing ahensya, nasa 519 na barangay mula sa 60 na bayan ang tinamaan ng ASF kung saan umabot na rin sa mahigit 42,000 na baboy ang isinailalim sa culling o pagpatay.
Sa nasabing datos, pinakamaraming lugar at baboy na tinamaan ng nasabing sakit ay sa Isabela na may 53%, Nueva Vizcaya, 20%; Cagayan, 16.67% at Quirino, 10%.
Umabot sa 7,015 katao na karamihan ay mga magsasaka ang malubhang naapektuhan at nawalan ng kabuhayan sa buong rehiyon dahil sa patuloy na pananalasa ng ASF.
Sa ngayon, tanging ang lalawigan na lamang ng Batanes ang nananatiling ASF free sa buong Cagayan Valley.
- Latest