‘People’s Empowerment Act’ pasado na
Konsehong pambayan sa mga lalawigan bubuuin
MANILA, Philippines — Pinagtibay na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang paglikha ng “People’s Council” o Konsehong Pambayan sa bawat lokal na pamahalaan sa bansa kabilang na sa mga probinsya na naglalayong magkaroon ng mekanismo sa pananaw at opinyon ng mamamayan sa iba’t ibang larangan ng pamamahala.
Sa botong 217 pabor at anim ang abstain o hindi bumoto, pormal na naaprubahan sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill (HB) 7950 o ang “People’s Empowerment Act” na iniakda ni Speaker Lord Allan Velasco. Kasama rin nito sa may akda sina House Committee on People’s Participation Chairperson at San Jose del Monte City, Bulacan Rep. Florida “Rida” Robes; 3rd District Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado, 1st District Cavite Rep. Francis Gerald Abaya, 3rd District Nueva Ecija Rep. Rosanna Vergara at iba pa.
Alinsunod sa nasabing panukalang batas, ang bawat miyembro ng bubuuing People’s Council sa bawat lokal na pamahalaan ay dapat mayroong Civil Society Organization (CSOs), may patunay sa mga aktibidad, mahigit isang taon na ang samahan at kinikilala ng lokal na Sanggunian.
Maghahalal ang People’s Council mula sa kanilang hanay ng kinatawan sa lahat ng sangay ng lokal na pamahalaan, lupon, konseho, komite, task forces, special government bodies at iba pa.
Lilikha rin ng Provincial People’s Council (PPC) na binubuo ng mga kinatawan mula sa mga munisipalidad at siyudad na uupo rin sa Sangguniang Panglalawigan. Gayunman, ang mga kinatawan ay walang tatanggaping kompensasyon at pagbabawalan din silang magpartisipa o lumahok sa pulitika.
Nagpasalamat naman si Robes sa mga kapwa mambabatas sa pag-apruba ng panukalang batas na magiging daan upang makiisa ang mga civil society organizations sa local governance at makagawa ng mas matibay na partnership sa pagitan ng gobyerno at pribadong sektor.
- Latest