8 inmate sa Davao City jail nagpositibo sa COVID-19, 1 tigok
MANILA, Philippines — Walong preso ng Davao City Jail-Male Dormitory ang nakumpirma ng Department of Health (DOH) na nagpositibo sa COVID-19 at isa rito ang namatay dala na rin ng komplikasyon.
Ayon sa Bureau of Jail Management and Penology XI (BJMP-XI), unang dinala sa Southern Philippines Medical Center matapos mahirapang huminga at na-diagnose na mayroong pulmonary congestion secondary to end stage renal failure ang isang inmate hanggang sa lumabas na positibo siya sa COVID-19 at namatay noong Nobyembre 19.
Bago pa man umano dalhin sa ospital ang pasyenteng preso, nakahiwalay na siya kasama ng iba pang may sakit sa isang isolation facility upang isailalim sa RT-PCR test.
Dahil dito, nagpatupad ng jail lockdown para sa decontamination procedure at pansamantalang sinuspinde ng BJMP ang pagtanggap ng bagong mga detainee sa naturang pasilidad hanggang makontrol ang sitwasyon.
Naka-quarantine na ang pitong inmate na nagpositibo sa virus habang isinasagawa ng jail nurses ang health monitoring, screening, at contact tracing sa mga close contact at nakasalamuha ng mga nagpositibong inmate na aabot sa 137 detainees.
- Latest