6 teroristang BIFF sumuko sa mayor
MANILA, Philippines — Anim na miyembro ng teroristang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF)-ISIS Dawlah Islamiyah ang sumuko sa pamahalaan sa lalawigan ng Maguindanao.
Sa ulat, ang mga bandidong sina Badtongan Amino, Rasid Sangkali, Nasrudin Talib, Mohammad Abdul Samad, Khulo Amino at Aladin Gaapar ay sumuko kina Shariff Aguak Maguindanao Mayor Engr. Marop Ampatuan at Ist Mechanized Infantry Battalion commander Lieutenant Colonel Cresencio Sanchez Jr.
Ang anim na terorista ay mga tauhan ni Kumander Ustadz Karialan ng Karialan faction ng BIFF. Isinuko rin nila ang kanilang matataas na uri ng armas, dalawang Improvised Explosive Device (IED), mga bala, magazine at mga kagamitan sa paggawa ng bomba.
Nagpasalamat naman si 6th Infantry (Kampilan) Division chief at Joint Task Force Central commander Major General Juvymax Uy kay Mayor Ampatuan sa pagtulong nito sa negosasyon sa pagsuko ng mga rebelde na nakatanggap na ng tulong pinansiyal at livelihood assistance mula sa LGU-Shariff Aguak at sa pamahalaan.
Hinikayat naman ni MGen. Uy ang iba pang miyembro ng BIFF at Armed Lawless Groups (ALGs) sa Maguindanao na sumuko na at magbagong buhay.
- Latest